top of page
Search
  • BULGAR

‘Di kailangan na lahat ng ari-arian ay maisama sa huling habilin para magkabisa

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 16, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Ang aking mga magulang ay matatanda na at may mga karamdaman. Nais na nilang ayusin ang kanilang mga ari-arian, ngunit aminado rin sila na hindi na nila maalala lahat ng mga ari-ariang mayroon sila, dala na rin ng katandaan. Kung sakaling hindi mailagay sa isang huling habilin ang isang ari-arian, paano ang magiging hatian nito? Magiging balido pa rin ba ang huling habilin ng aming mga magulang kahit na may ilang mga ari-arian ang hindi masali rito? — Ethan


 

Dear Ethan,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Artikulo 778-780 ng ating New Civil Code.  Ayon sa mga nasabing artikulo:


“Art. 778. Succession may be:

(1) Testamentary;

(2) Legal or intestate; or 

(3) Mixed.


Art. 779. Testamentary succession is that which results from the designation of an heir, made in a will executed in the form prescribed by law.


Art. 780. Mixed succession is that effected partly by will and partly by operation of law.”


Sang-ayon sa mga nasabing probisyon, ang pamana ay maaaring testamentary, intestate, o mixed. Testamentary kapag mayroong habilin o kasulatan na siyang naghahati-hati sa mga ari-arian ng namatay. Legal o intestate naman ang tawag kapag walang naiwang habilin o kasulatan ang namatay. Dahil dito, ang kanyang mga naiwang ari-arian ay hahatiin sang-ayon sa probisyon ng batas. Kung sakaling ito ay halo, gaya sa iyong kaso, na mayroong bahagi na ipinamana sa pamamagitan ng will at ang ibang bahagi ay hindi nabanggit sa nasabing kasulatan, ito naman ay tinatawag na mixed.

Gaya sa iyong kaso, ang paghahati-hati ng ari-arian ay maaaring pumasok bilang mixed succession sapagkat may posibilidad na hindi lahat ng mga ari-arian ng iyong mga magulang ay maipapamahagi gamit ang kanilang huling habilin o kasulatan. Ang mga ari-arian na hindi maisasama sa kanilang huling habilin ay ipapamahagi sa pamamagitan ng intestate o legal succession.


Ang usaping mana ang isa sa mga kumplikado at pinakapinagtatalunang isyu sa pagitan ng mga magkakapamilya. Dahil dito, sinisigurado ng ating batas ang mga isyu na ito ay maaaring maresolba sa pamamagitan ng batas. Tinitiyak nito na ang usaping mana at mga tagapagmana ay protektado. Kinikilala ng batas ang kalayaan ng isang indibidwal na ipamahagi ang kanyang ari-arian sa pamamagitan ng isang huling habilin o kasulatan. Higit dito, kung sakaling magkaroon ng kakulangan ang nasabing huling habilin o kasulatan, ang mga ari-arian ay ipapamahagi sang-ayon sa probisyon ng batas. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan.  Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page