ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | August 20, 2024
KATANUNGAN
Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil may ilang katanungan lang ako na gusto kong malaman. Una, ‘yung boyfriend ko, 3 taon na kami. Nais ko sanang malaman kung ang kasalukuyan nobyo ko na ba ang makakatuluyan ko?
Pangalawa, tungkol naman ito sa career ko. Graduate na ako ng kursong accountancy at nagse-self review na ako. Kung sakaling mag-take ako ng CPA board exam sa susunod na taon, makakapasa kaya ako?
Matagal n’yo na kaming tagasubaybay. Elementary pa lang ako, bumibili na ng Bulgar newspaper ang nanay at tatay ko. Hangang-hanga ako sa inyo, kaya sana sa pamamagitan n’yo ay malaman ko rin ang future ko.
KASAGUTAN
Iisa lang ang namataang malinaw at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kung 3 years na kayong nagmamahalan ng boyfriend mo na nagkataong Aquarius ang zodiac sign niya, habang ikaw naman ay Libra, tiyak ang magaganap – kayo na nga ang magkakatuluyan at magsasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.
Habang ang tuwid at magandang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad ang nagsasabing tiyak na makakapasa ka sa board exam at magkakaroon ka ng magandang career. Sapagkat ang nasabing Fate Line na tuwid at maganda (arrow b.) ay madali namang nakarating sa Bundok ng Tagumpay (arrow c.). Tanda na sa kursong accountancy, tulad ng iyong inaasahan, magtatagumpay at magkakaroon ka ng maunlad na career sa susunod na mga dalawa hanggang tatlong taon.
Ang pag-aanalisang makakapasa ka sa CPA board exam ay muli at madali namang kinumpirma ng Effort Line (Drawing A. at B. E-E arrow d.) na nakatungtong sa Bundok ng Katuparan (arrow e.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na isang kuha lang ng nasabing exam, walang mintis ay makakapasa ka.
DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Katlyn, ang kasalukuyan mong boyfriend ang nakatakda mong makatuluyan at ang mapangasawa. Tinataya itong maganap sa taong 2027. Subalit bago maganap ang nasabing pag-aasawa, makakapasa ka muna sa board exam hanggang sa magkaroon ka ng matagumpay na career sa isang sangay ng ating pamahalaan, na nakatakda namang mangyari sa 2025 sa edad mong 25 pataas.
ความคิดเห็น