nawalan ng ganang kumain at naglabasan ang dugo sa bibig at ilong, dinanas ng 13-anyos
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 17, 2020
Taong 2020 na. Matinding pag-aalala sa kaligtasan ng mamamayan sa sandaigdigan ang idinudulot ng COVID-19. Ang pamilya Diola ng Bulacan ay hindi lamang katindihan ng pag-aalala ang naranasan sa panahon ng pandemyang ito kundi katindihan ng kawalan na hinding-hindi na mapupunan. Tila sariwang sugat pang nagpaparamdam ng sakit sa pamilya Diola ang trahedyang naganap sa kanilang sambahayan noong Hunyo 26, 2020— ang araw ng paglisan ng mahal nilang kapamilya na si Diana Diola.
Kasabay na nalibing ng wala nang buhay na si Diana ang kanyang pangarap. Anang kanyang ama na si G. Arman Diola:
“Napakadali lamang naglaho ang lahat ng pangarap ng aking anak. Matalino siya sa kabila ng madalas na pagsakit ng kanyang tiyan at pagkawala ng ganang kumain ay nanatili siyang nangunguna sa klase. Dahil dito, kahit mayroong General Community Quarantine (GCQ) at hirap makakuha ng sasakyan, pumunta ako at humingi ng tulong sa Public Attorney’s Office (PAO) para isailalim ang aking anak na si Diana sa forensic examination para malaman namin ang tunay na dahilan ng biglaang pagkamatay niya.”
Si Diana ay 13-anyos lamang nang namatay sa isang ospital sa Pampanga. Siya ang ika-154 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.
Tatlong beses naturukan ng Dengvaxia si Diana. Una noong Abril 11, 2016; pangalawa noong Oktubre 11, 2016; at pangatlo noong Abril 19, 2017. Noong mga Hunyo, 2016, nagreklamo na siya ng pananakit ng tiyan at siya ay dinala sa isang ospital sa Bulacan kung saan siya ay out-patient lamang. Kapag nakainom siya ng iniresetang gamot sa kanya, nawawala naman ang pananakit ng kanyang tiyan. Nasundan muli ang pagsakit ng kanyang tiyan bandang 2017. Ayon sa kanyang ama, mula nang siya ay mabakunahan ng Dengvaxia, naging masasakitin ang kanyang tiyan at wala rin siyang ganang kumain kaya binigyan siya ng mga vitamins para rito.
Noong 2018, nagpatuloy ang pagsakit ng kanyang tiyan at sa kabila ng mga laboratory tests na isinagawa sa kanya, hindi nila matukoy kung ano ang dahilan ng pagsakit ng kanyang tiyan. Kapag nadala sa ospital at nabigyan ng gamot, nawawala naman ang pagsakit ng kanyang tiyan, subalit bumabalik makalipas ng ilang buwan. Nagpatuloy ang pagkawala ng kanyang ganang kumain. Noong Hunyo, 2019, hindi na siya kumakain kaya nanghina siya. Isinugod siya sa ospital para ipa-check-up. Nang panahong ‘yun ay in-admit na siya sa ospital at nanatili siya roon ng dalawang araw, ngunit wala namang makitang mali sa kanyang laboratory tests. Pagkauwi nila sa bahay, nagpatuloy pa rin ang pagsakit ng kanyang tiyan.
Pagdating ng Hunyo, 2020, nagsimulang maging kritikal ang kalagayan ni Diana. Narito ang ilan sa mga detalye ng mga pangyayaring ‘yun na humantong sa kanyang kamatayan:
Hunyo 21 at 23, 2020 - Sa mga petsang ito, dinala si Diana sa ospital dahil sa lagnat at pananakit ng tiyan, ulo at kasu-kasuan. Umabot sa 39 degrees ang kanyang lagnat dahil diumano sa Urinary Tract Infection (UTI). Niresetahan siya ng antibiotics at inuwi na siya ng kanyang pamilya.
Hunyo 25, 2020 - Nagreklamo siya na hindi diumano siya makakita, nahihilo at namamanhid ang kanyang mga paa at nawalan din siya ng malay. Isinugod siya ni Mang Arman sa ospital at isinailalim sa blood test at lumabas sa resulta na mababa ang platelet count niya at mayroon siyang dengue. Nabanggit din ng doktor na walang pulso at blood pressure (BP) si Diana at kritikal na siya. Dahil dito at dahil walang espesiyalista sa dengue ang naturang na ospital, inilipat siya at dinala sa Pediatric Intensive Care Unit nito.
Hunyo 26, 2020 - Nagkaroon si Diana ng BP kaya nasalinan siya ng dugo. Subalit naging kritikal na siyang muli. Naglabasan na ang dugo sa kanyang bibig, ilong at ibang parte ng katawan hanggang sa siya ay binawian na ng buhay, alas-6:00 ng umaga.
Sa pagmumuni-muni sa naging kamatayan ni Diana, narito ang mga hinaing ni G. Diola:
“Matapos na bumigay ang murang katawan ni Diana dahil sa severe dengue, sinabihan ako ng mga doktor na ilabas ko agad siya sa ospital para hindi siya maisama sa mga may COVID-19. Sinabihan ako na ang sanhi ng kamatayan niya ay severe dengue at hindi COVID-19.
“Napakasakit para sa amin ang dagliang pagpanaw ni Diana. Siya ay malusog at maganang kumain bago siya masaksakan ng Dengvaxia.
“Ang nakapagtataka, kahit nanakit ang tiyan niya at nawalan ng ganang kumain ay wala silang makitang dahilan ng pagsakit ng kanyang tiyan at pagkawala ng gana niyang kumain. Ito pala ang epekto ng Dengvaxia sa aking anak. Anong klaseng gamot ito at nagdulot ng sakuna sa kalusugan ni Diana?”
Si Diana ay isa na naman sa mga maipagmamalaki sana ng susunod na henerasyon, ngunit naisakrispisyo ang kanyang buhay dahil sa naturang bakuna. Kung pinakinggan lamang ng mga kinauukulan si Dra. Mary Ann Lansang na nagpahayag sa Senado na kailangang ma-monitor ang mga nabakunahan ng Dengvaxia sa loob ng higit sa 20 taon, maaaring narito pa si Diana at tayo ay mabibiyayaan ng katalinuhan niya. Sa mga naulilang pamilya nila Diana, nasabi naman ni Atty. Erwin P. Erfe, M.D.: “Nothing can and will ever heal their pain, except possibly justice.” Ang hustisya ay patuloy na ipinaglalaban ng PAO at ng inyong lingkod gaano man ito kailap at kay hirap kamtin.
ความคิดเห็น