ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 5, 2021
Maaari nang maghatid-sundo ng mga health workers ang mga hindi ikinokonsiderang authorized persons outside authority (non-APORs) kapag isinailalim na ang National Capital Region sa enhanced community quarantine (ECQ), ayon kay Philippine National Police Chief General Guillermo Eleazar.
Saad ni Eleazar, "Ngayon, dahil sa konsiderasyon sa ating mga healthcare workers, kagabi po, nakahingi po ako ng guidance sa ating national task force through [Interior Secretary Eduardo] Año, na 'yung healthcare workers po ay ia-allow na na ihatid ng non-APORs."
Kailangan lamang umanong magpakita ng ID ng driver na maghahatid sa healthcare worker pagdating sa mga checkpoints. Aniya pa, "Sa ngayon, 'yun 'yung huling guidance na ibinigay sa amin." Sa hanay naman ng iba pang APORs, ayon kay Eleazar ay pag-uusapan pa ang ipatutupad na guidelines.
Aniya, "May isang araw pa naman tayo, ipararating natin 'yan (proposals) sa mga kinauukulan." Samantala, kabilang umano sa mga inihahaing proposal sa ipatutupad na guidelines ay ang pagbibigay ng certification o driver's pass na manggagaling sa employer ng mga APORs, barangay, o police officers sa non-APOR driver.
Comments