top of page
Search
BULGAR

‘Di alam ng pamilya na nakakulong, problemado

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | June 13, 2022


Dear Sister Isabel,


Madalas akong nagbabasa ng kolum n’yo, napansin ko kasi na magaling kayong magpayo sa mga sumusulat sa inyo at hanga ako sa pagbibigay n’yo ng payo, kaya naman naisipan kong sumangguni sa inyo tungkol sa aking problema.


Nakulong ako sa kasalanang hindi ko naman ginawa at napagbintangan lamang ako. Hindi alam ng pamilya ko ang nangyari sa akin. Umaasa kasi ako na mapapawalang-sala ako sa lalong madaling panahon, kaya hindi ko na ipinaalam sa pamilya ko ang aking sinapit.


May asawa ako at isang anak na 7-anyos. Ayaw kong malaman ng asawa ko ang nangyari dahil baka labis siyang mag-alala at mapabayaan ang anak namin. Gayundin, baka sa sobrang lungkot ay dumanas siya ng matinding depresyon at lalo lang maging hindi maganda ang mangyari.

Tama bang ilihim ko sa kanila ang sinapit kong ito? Nawa’y matulungan n’yo ako sa dapat kong gawin.

Nagpapasalamat,

Gilbert


Sa iyo, Gilbert,


Nakikisimpatya ako sa sinapit mo at sana nga ay mapawalang-sala ka sa kasalanang hindi mo naman ginawa, lalo pa’t napagbintangan ka lang. Pero sa aking palagay, hindi mo dapat ilihim sa pamilya mo ang iyong sinapit, lalo na sa asawa mo. Higit sa lahat, pamilya mo ang makakatulong sa iyo. Sila ang tunay na dadamay sa iyo sa sandali ng kagipitan.


Natitiyak kong uunawain ng asawa mo ang mga pangyayari at hindi siya magtataka kung bakit nahinto ka ng pagpapadala at pakikipag-usap sa kanya.


Kausapin mo ang kaibigan mo na mapagkakatiwalaan d’yan para ipaalam sa asawa mo ang nangyari nang sa gayun ay magawan agad ng kaukulang solusyon ang sinapit mo. Huwag kang mag-alala, ang asawa ay karamay mo sa hirap at ginhawa.


Muli, ipabatid mo sa misis mo ang iyong sinapit. Gayundin, humingi ka ng tulong sa Diyos na bigyan ka ng lakas ng loob. Ipagdasal mo na maunawaan ng asawa mo ang lahat at sa tulong na rin ng mga dasal ng misis mo, natitiyak ko na makakalaya ka nang lubusan. Lalabas ang katotohanan na napagbintangan ka lang.


Lakip nito ang aking dalangin na mapagwagian mo ang pagsubok na dumating sa iyong buhay.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page