SA OSPITAL AT LUMABAS ANG DUGO SA ILONG AT BIBIG BAGO NAMATAY SA DENGVAXIA
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 15, 2021
isa sa mga karamdaman na kinatatakutan ng kabataan ay ang sakit na dengue. Kaya kabilang sa sektor na ito ng mga menor-de-edad sa lipunan na natuwa nang magkaroon ng inaakala nilang pagkakataon na maligtas at mapalaya sa kapahamakan na dulot ng nasabing karamdaman. Isa sa kanila si Ronald Sibayan, anak nina G. Ronaldo at Gng. Leonila Sibayan ng Valenzuela City. Ani Aling Leonila. “Hindi ko alam na magpapabakuna si Ronald. Umuwi siya at masayang ibinalita na hindi na raw siya magkakaroon ng dengue dahil nagpabakuna siya.” Sa kasamaang-palad, ang katuwaan ni Ronald ay nauwi sa matinding kalungkutan — hindi pa rin siya nakaligtas sa dengue at maagang kamatayan.
Si Ronald ay 11-anyos nang binawian ng buhay noong Setyembre 15, 2018. Siya ang ika-85 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Ronald ay naturukan ng Dengvaxia ng isang beses noong Nobyembre 2, 2017 sa kanilang barangay health center. Mariing sinabi ng kanyang mga magulang, “Dahil hindi siya sakitin, kahit ano’ng antibiotics ay hindi pa naipapasok sa kanyang katawan, ganu’n kalusog ang aming anak.” Sa kabila nito, matapos siyang maturukan ng nasabing bakuna, biglang nagbago ang kalagayan ng kanyang kalusugan. Sa iba’t ibang petsa ng Enero, Abril, Mayo, Hunyo at Setyembre 2018, narito ang ilan sa mga detalye ng mga hirap na pinagdaanan ng murang katawan ni Ronald bago siya pumanaw:
Enero 2018 - Madalas sumakit at mangalay ang kanyang mga kamay at kasukasuan. Sumasakit din ang kanyang ulo, dumidilim ang kanyang paningin at siya ay nahihilo. Pabalik-balik ang pananakit at pangangalay ng kanyang mga kamay at kasukasuan sa mga sumunod na buwan. Dumidilim din diumano ang paningin niya sa blackboard ng kanilang eskuwelahan.
Abril 30 at Mayo 1, 2018 - Nagkalagnat siya. Dahil hindi bumababa ang lagnat niya kahit pinainom siya ng paracetamol, siya ay isinugod sa isang ospital sa Valenzuela City noong Mayo 1, 2018. Ayon sa mga doktor, si Ronald ay may urinary tract infection (UTI). Bumuti naman ang kanyang kalagayan kaya pinauwi na rin siya noong Mayo 5, 2018.
Hunyo 2018 (unang linggo) - Sumasakit na naman ang kanyang kasukasuan, nagpatuloy ito sa mga sumunod na buwan.
Setyembre 9, 2018 - Muling nagkalagnat si Ronald. Pinainom siya ng paracetamol, subalit walang naging magandang epekto ito sa lagnat niya.
Setyembre 11, 2018 - Isinugod siyang muli sa ospital at napag-alamang siya ay may dengue infection. Anang kanyang mga magulang, “Sinabihan kami ng doktor na iuwi muna siya dahil 160 pa raw ang kanyang platelet count at isa pa, tatluhan sa isang kama ang admission ng nasabing ospital, kaya siya ay aming iniuwi. Subalit, hindi nawala ang kanyang lagnat sa magdamag kaya siya ay ibinalik namin sa ospital. Dahil bumaba sa 130 ang platelet count niya, tuluyan na siyang in-admit ng nasabing ospital.”
Setyembre 14, 2018 - Lumubha ang kanyang kalagayan. Siya ay hindi na makakain at hirap na ring huminga. Pagsapit ng alas-3:00 ng hapon, nagwala na si Ronald at gustong alisin ang mga nakakabit na aparato sa kanyang katawan. Itatali na rin sana siya dahil sa walang-humpay na pagwawala, subalit bigla siyang lumupaypay at nawalan ng malay. Ito ay matapos ding diinan ng nars ang nakakabit na oxygen mask kay Ronald. Noong bahagya siyang nakarekober, siya ay in-intubate. May mga lumabas din na dugo sa ilong at bibig niya. Iba’t ibang mga proseso na ang ginawa ng mga doktor upang maisalba ang kanyang buhay, ngunit naging kritikal ang kanyang kalagayan pagkatapos noon.
Setyembre 15, 2018 - Pagsapit ng ala-1:00 ng madaling-araw, sinalinan ng dugo si Ronald. Hindi ito natapos dahil nag-agaw buhay siya. Sinubukan siyang i-revive ng mga doktor, subalit tuluyan na siyang pumanaw.
Sa kaso ni Ronald, nangyari na naman ang kawalan ng informed consent. Anang kanyang mga magulang, “Ang aming anak ay tinurukan ng Dengvaxia nang hindi namin alam, maliban lamang nang sabihin niya na ito pagkatapos niyang maturukan.” Kaya mistula na namang inilagay ng mga awtoridad sa mga kamay ng isang menor-de-edad ang pagpapasya sa napakaseryosong bagay na may kinalaman sa kanyang kalusugan. Ang pagbabakuna sa kanya ng Dengvaxia nang walang pahintulot ng kanyang mga magulang ang pinaniniwalaan ng mga huli na tila naging mitsa ng maaga niyang kamatayan. Anila, “Kung hindi nabakunahan si Ronald ay nabubuhay pa sana siya ngayon dahil wala naman kaming nalalaman na karamdaman niya na maaaring maging sanhi nang agaran niyang pagkamatay. Kinakailangang may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa aming anak.”
Pananagutan sa kapabayaan — ito ang ipinaglalaban ng pamilya Sibayan at idinulog sa aming tanggapan. Alinsunod sa kautusan ng dating Secretary of Justice noong Disyembre 2017, ang inyong lingkod, mga kasamang public attorneys, forensic doctors at staff ay agarang tumugon sa kanilang pangangailangan at patuloy na gumagawa ng karampatang aksiyong legal upang maghari ang hustisya sa bawat daing ng mga magulang at biktimang kabataan ayon sa mga nakatakda sa batas at regulasyon. Inaasahan namin na ang nabanggit na kapabayaan ay papanagutan —sa tamang panahon— sa harap ng hukuman.
Comments