pandinig bago namatay sa Dengvaxia.
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | April 30, 2021
May mga pagsusuri na kailangang isagawa sa mga pasyente na hindi agad naisasakatuparan dahil sa kahirapan ng buhay. Isa ito sa napakasakit na nararanasan ng magulang ng mga batang may matitinding karamdaman. Nais man nilang gawin agad, sila ay napipigilan dahil sa kahirapan. Ganito ang naging karanasan nina G. Bonifacio at Gng. Bernadette Conchada ng Aurora sa kanilang anak na si Anthony Conchada. Anang mag-asawang Conchada: “Noong ikatlong linggo ng Hunyo 2017, sinabihan kami ng doktor na kailangang isailalim sa MRI scan si Anthony para malaman ang sanhi ng kanyang madalas na pananakit ng ulo. Subalit hindi namin siya napa-MRI dahil wala kaming pagkukunan ng pera.” Napakabigat sa dibdib ng pangyayaring ito dahil napakahalaga ng bawat segundo para kay Anthony, ngunit nang mga sandaling ‘yun, kailangang gumawa pa ng paraan ang kanyang mga magulang upang makalikom ng halaga para sa nasabing pagsusuri.
Si Anthony ay 11-anyos nang namatay noong Hunyo 2, 2018. Siya ang ika-61 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Anthony ay dalawang beses naturukan ng Dengvaxia sa kanyang paaralan sa Aurora. Siya ay unang naturukan noong Abril 4, 2016, at pangalawa noong Nobyembre 21, 2016. Ayon sa mga magulang ni Anthony, “Matapos siyang maturukan ng nasabing bakuna, malaki ang naging pagbabago sa kanyang kalusugan .”
“Lagi nang sumasakit ang kanyang ulo at nagsimula ito bago mag-Pasko ng Disyembre, 2016. Sinabayan ito ng palaging pananakit ng kanyang tiyan. Binigyan namin siya ng paracetamol subalit bahagya lamang na bumuti ang kanyang kalagayan. Dinala namin siya sa barangay health center ng Aurora noong Enero 2017. Hindi nila matiyak ang sanhi ng pananakit ng ulo at tiyan ni Anthony kaya siya ay niresetahan lamang ng paracetamol. Noong Enero 2017 ay napansin namin nag-umpisang mag-iba ang lagay ng kanyang kaliwang mata. Napunta ang itim ng kanyang kaliwang mata sa gilid at palagi na ring sumasakit ang kanyang ulo.”
Noong Hunyo 2017, nagsimulang lumala ang kalagayan ni Anthony, naging seryoso ang kanyang kondisyon at humantong sa kamatayan niya noong Hunyo 2, 2018. Narito ang ilan sa mga detalye ng pinagdaanan niyang trahedya:
Hunyo 2017 - Dinala si Anthony sa isang ospital sa Nueva Ecija. Isinailalim siya sa pagsusuri sa pag-aakalang may kaugnayan ang biglaang pagbabago ng kanyang kaliwang mata o pagkaduling nito. Napansin ng doktor na mabagal mag-respond sa pagkilos si Anthony.
Hulyo 2017 - Palagi na siyang nagsusuka. Dinala siya sa klinika ng isang doktora sa Nueva Ecija na nagreseta sa kanya ng gamot para sa pananakit ng kanyang ulo, na tatagal ng isang buwan. Bahagyang bumuti ang kanyang kalagayan.
Oktubre 2017 - Humina ang kanyang pandinig. Siya ay ibinalik sa dating pinagdalhan sa kanya na klinika sa Nueva Ecija upang ipasuri ang kanyang tenga. Ayon sa doktor, maaaring dahil ito sa mga ugat na naipit ng bukol sa kanyang utak. Ilang araw matapos siyang masuri ay sumakit ang kanyang ulo na naging sanhi ng kanyang pagkawala ng malay ng halos 15 minuto. Kinaumagahan, bumuti ang kanyang kalagayan.
Abril 2, 2018 - Ibinalik siya sa nabanggit na klinika sa Nueva Ecija. Niresetahan siyang muli ng pang-dalawang buwan na gamot para sa kanyang utak. Hindi na siya makalakad nang malayo dahil nanlalambot na ang kanyang mga tuhod at leeg.
Mayo 10, 2018 - Dinala siya sa isang medical center. Pinatigil nila ang pag-inom ng gamot na inireseta sa kanya ng klinika sa Nueva Ecija.
Mayo 11 at 28, 2018 - Isinailalim sa computed tomography (CT) scan si Anthony at noong Mayo 28, 2018 ay isinailalim siya sa MRI scan. Base sa resulta ng MRI, kailangang operahan sa ulo si Anthony dahil sa bukol sa kanyang utak. Pagkatapos isailalim sa MRI, hindi na siya kumain at nanghina na. Lumala ang kalagayan ni Anthony sa mga sumunod na araw habang ang kanyang mga magulang ay pinagpapasya na isailalim siya sa operasyon.
Hunyo 1 at 2, 2018 - May mga pantal at namumuong dugo sa hita at tagiliran niya. In-intubate na rin siya dahil hirap na siya sa paghinga. Magdamag siyang binobombahan para tulungan siya sa paghinga, subalit kinabukasan, Hunyo 2, 2018, alas-9:48 ng umaga ay tuluyan nang pumanaw si Anthony.
Narito ang bahagi ng salaysay nina G. at Gng. Conchada sa naging kamatayan niya:
“Labis ang aming pagkagulat, hinagpis, lungkot at sama ng loob sa sinapit ni Anthony. Bago pa siya maturukan ng bakuna kontra dengue ay hindi kailanman dinapuan ng malubhang sakit si Anthony. Hindi namin akalain na ang anti-dengue na ibinakuna sa kanya ang siyang maglalagay sa matinding panganib at naging sanhi pa ng kanyang pagkamatay. Ang nakakalungkot at nakakasama pa ng loob dito ay hindi namin nalaman na siya ay nabakunahan ng Dengvaxia dahil hindi naman ito ipinaalam sa amin bago ito gawin ng mga nagturok kay Anthony.”
Ang tila litanya ng hapis na ito ay hindi na bago sa aming pandinig, ngunit patuloy pa ring sumusugat sa aming puso. Ang mga sugat na ito ay higit na mahapdi at malalim sa pandama at kamalayan ng pamilya ni Anthony. Hindi man tuluyang mapaghilom kahit lumipas ang panahon, sisikapin naming maibsan ang sakit na kanilang nararamdaman sa pagpupursige naming magkaroon ng makatarungang kahatulan sa kaso ng minamahal nilang si Anthony.
Comments