top of page
Search
BULGAR

Detalye ng presyo ng langis, ‘di dapat itago sa taumbayan

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Sep. 20, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Nawa’y bilang na nga ang araw ng naghihinagpis na pagtatanong at pagdududa ng taumbayan sa galawan sa presyuhan ng langis matapos magdesisyon ang Korte Suprema na katigan ang polisiya sa fuel cost unbundling ng Department of Energy na nauna nitong tinangkang ipatupad sa pamamagitan ng circular noong 2019. 


Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Ramon Paul Hernando sa GR No. 266310 noong July 31 at isinapubliko nitong Setyembre 10, pinagtibay ng Korte Suprema ang 2022 at 2023 na mga desisyon ng Court of Appeals, na binaliktad ang desisyon ng Regional Trial Court (RTC) noong 2019. 


Matatandaang naghain ng reklamo laban sa circular sa Makati RTC ang Philippine Institute of Petroleum Inc., Isla LPG Corporation, PTT Philippines Corporation at Total Philippines. 


Sa kasalukuyan naman, umaalingawngaw ng panawagan sa Kongreso na ipasa na ang malinaw na batas para sa unbundling o segregasyon ng detalye ng halaga ng langis, na tumataas at bumababa nang walang ganap na kamuwangan ang mga mamimili. 

Hindi na dapat bulagin ang mamamayan sa katotohanan sa likod ng presyuhan ng langis na sinisingil ng oil companies, na isinasangkalan ang kanilang diumano'y "trade secrets" para hindi maipabatid sa taumbayan ang aktuwal na gastos nila sa pagtitinda nito. 


Noong nag-isyu ang Kagawaran ng Enerhiya ng Department Circular No. DC2019-05-0008 limang taon na ang nakakaraan na nagmamandato ng unbundling ng halaga ng langis, nagawang maipatigil ng RTC ang pagpapatupad nito.


Matatandaang ipinaglaban ng DOE ang polisiya para sa unbundling o segregasyon ng cost components sa presyo ng langis bilang kinakailangan para matiyak ang pagiging hayag o bukas ng halagang itinatakda sa mamamayan sa mga istasyon ng langis sa bansa. 


Sa ilalim ng circular, apat na detalye ang dapat mahimay o ma-segregate: international cost, taxes at duties, biofuels component sa langis, at ang “oil company take” na bahagi. 

Para sa international price component, dapat ring ma-itemize ang import cost para sa krudo at finished products, freight cost, insurance at foreign exchange. Sa taxes at duties naman ay dapat ring ma-segregate ang import duties, excise tax, value-added tax and iba pa. 


Kung tuluyan nang maipapatupad ang polisiyang iyan, mabubusisi na ng taumbayan ang mga detalyeng nakapaloob sa halaga ng langis upang sila ay maprotektahan laban sa hindi makatarungang pagpataw ng anumang singiling hindi nararapat singilin sa kanila kailanman. Katigan ang kapakanan ng mamamayan!

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


1 Comment


joseoliveros1947
Sep 20

Mas mabuti pa rin noong wala pang Oil Deregulation Law at hindi basta nakakapag-taas ng presyo ng produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis dahil kailangan pang dumaan sa public hearing ang anumang petisyon ng magtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Kahit pa may tinatawag na unbundling ng charges para mabusisi ng mga consumers ang apat na detalye na nabanggit sa column na ito, ano naman ang puedeng gawin ng gobyerno para kontrolin ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo?

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page