top of page
Search
BULGAR

Desisyon ng QuadComm, tama na ‘di padaluhin sa hearing si ex-P-Duterte

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Dec. 9, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez

‘DI IMPORTANTE KAY SEN. BONG GO SAAN MAN IPINUWESTO SA SIGNING NG PRESIDENTE SA PANUKALANG BATAS NIYA, MAHALAGA SA KANYA BATAS NA ITO PARA SA KAPAKANAN NG MGA EVACUEES -- Ang panukalang batas ni Sen. Bong Go na “Ligtas Pinoy Centers Act” o paglalagay ng mga permanenteng maayos na evacuation center sa bawat city at municipality ay ganap nang batas matapos na ito ay lagdaan ni Pres. Bongbong Marcos nitong nakalipas na Dec. 6, 2024. 


Dahil ito ay panukalang batas ni Sen. Bong Go, obligado siyang magtungo sa Malacanang para saksihan ang paglalagda rito ni PBBM, kaya lang kapuna-puna sa mga video at larawan na isinapubliko ng Presidential Communications Office (PCO) na hindi siya ang ginawang bida sa Malacanang, kasi imbes na sana ay kabilang siya sa nasa unahan ay sa likod at sa dulo siya ipinuwesto.


Gayunman, hindi importante kay Sen. Bong Go kung saan man siya ipinuwesto sa signing ng kanyang panukalang batas, basta’t ang mahalaga sa kanya ay batas na ito dahil ang makikinabang dito ay mga evacuees na ang mga lugar ay tinatamaan ng kalamidad, palakpakan naman diyan!


XXX


MANDATO NG KAMARA NA AKSYUNAN ANG IMPEACHMENT KAY VP SARA, PERO KAPAG INAPRUB NILA ITO NA IAKYAT SA SENADO, PINUPULITIKA NILA ANG BISE PRESIDENTE -- Sinabi ng mga kongresista na obligado raw nilang aksyunan ang inihaing impeachment complaint kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio kasi nga raw mandato nila ito ayon sa nakasaad sa Konstitusyon.


Korek, mandato talaga nila iyan, at nasa kanilang pagpapasya kung ibabasura ito o kung aaprubahan para maiakyat sa Senado.


Kaya kapag iyang impeachment ay inaprubahan nilang maiakyat sa Senado, isa lang ang ibig sabihin niyan, pinupulitika nila nang todo si VP Sara para mapatalsik ito sa poder, boom!


XXX


TAMA ANG DESISYON NG QUADCOMM NA HUWAG NANG PADALUHIN SA HEARING SI EX-P-DUTERTE KASI MATANDA NA, MAY SAKIT AT MAHINA -- Ayon kay House Quad Committee Chairman Ace Barbers ay hindi na raw nila iimbitahan si ex-P-Duterte sa extrajudicial killings (EJK) hearing sa Dec. 12, 2024.


Aba’y dapat lang, kasi hindi talaga katanggap-tanggap sa publiko na ang may edad na, mayroong iniindang sakit at hirap nang maglakad na dating presidente ay gisahin uli sa Kamara, period!


XXX


CUSTOMS, WALANG AKSYON SA PAGPUPUSLIT NI ‘ENTENG CHENG’ NG MGA CHINESE PAPUTOK SA ‘PINAS -- May impormasyon na ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan at Bagong Taon, ay nagpupuslit na naman daw si alyas “Enteng Cheng” ng mga smuggled Chinese firecrackers sa bansa.


Taun-taon ay ganyan ang raket ni “Enteng Cheng” pero ang kataka-taka sa kabila na ilegal ang smuggling ay walang ginagawang aksyon ang mga Customs official para “dakpin” ang Chinese paputok smuggler na ito, boom!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page