ni Melba R. Llanera - @Insider | February 9, 2021
Sa kabila ng maraming netizens ang nakikisimpatya kay Ryza Cenon sa hirap na pinagdaraanan nito ngayon bilang ina, may ilan pa ring negatibo ang reaksiyon sa sitwasyon ngayon ng Kapamilya actress.
Nanganak nu'ng Oktubre 31, 2020 si Ryza courtesy of her non-showbiz partner na si Miguel Antonio Cruz. Aminado si Ryza na naranasan niya ang magkaroon ng post-partum depression kung saan pakiramdam niya noon ay tinatamad na siya sa buhay, nakatulala lang habang hinahayaan ang anak na si Night na umiyak nang umiyak.
Bukod sa hirap na dinanas sa pagle-labor ay kulang sa pahinga at tulog si Ryza dahil sa pagbabantay sa anak. Pero sa ngayon daw, medyo okay na siya.
Sa negatibong komento ng ibang netizens na mahirap talagang maging ina kapag hindi pa handa sa pisikal, emosyonal at pinansiyal na aspeto ang isang babae, bukod pa sa ilang nagsabi na may attitude problem diumano si Ryza, mas mabuti na 'wag na lang magbasa ng mga komento ang aktres. Baka makaapekto pa sa kanya ito lalo't sensitibo ang isang babae 'pag naging ina na.
Sa kabila ng pagkakaroon na nila ng anak ng live-in partner ay wala pa ring balak ang dalawa na magpakasal. Para kasi kay Ryza ay mas maganda na siguradung-sigurado na sila ng kapareha sa lahat dahil sila ng anak ang pinakamaaapektuhan kapag nauwi lang sa hiwalayan ang relasyon nila sa huli.
Comments