top of page

Depensa ng ‘Pinas, patatagin at mas palakasin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 23 hours ago
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Apr. 7, 2025



Boses by Ryan Sison

Mas magiging matatag at malakas ang depensa ng isang bansa laban sa anumang pananakop kung may sapat na mga kagamitan at buong suporta ang ibinibigay ng pamahalaan nito. 


Kaya marahil, pinlano na ng ating gobyerno na bumili ng mga F-16 fighter jet mula sa Estados Unidos na maaaring mai-deliver bilang mga tranches simula sa susunod na taon, 2026 o sa 2027.


Ang tinutukoy ni Philippine Ambassador sa US Jose Manuel Romualdez ay ang 20 “brand new” F-16 fighter jets at iba pang defense equipment, kung saan plano rin ng bansa na humingi ng long-term loan mula sa Washington para makuha ang mga ito. 


Sinabi ni Romualdez na inaprubahan ng US ang pagbebenta ng $5.58 bilyon na mga bago at modernong fighter jet sa Pilipinas.


Ang mga naturang fighter aircraft ay gagamitin para sa defense posture ng bansa, gayundin, ang gagawing pagbili ng mga ito ay bilang bahagi ng modernization program sa Armed Forces of the Philippines (AFP).


Gayunman aniya, depende pa sa mapag-uusapang terms kung kakayanin ito ng ‘Pinas at kung iaaprub ng Kongreso at ng Pangulo ay saka magkakaroon ng F-16 fighter jet.


Ayon naman sa AFP, nakatakda silang bumili ng mas maraming missile system, fighter jets, at mga warships o barkong pandigma para sa kanilang planong bumuo ng tinatawag na “reliable deterrent force”.


Aminado naman ang lahat na patuloy ang pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea (WPS). Bukod dito, hindi sila tumitigil sa pambu-bully sa ‘Pinas na malaking hamon din sa ating mga teritoryo at soberanya.


Kaya kung may ganitong mga oportunidad na makakabili tayo ng mga kagamitan para mapalakas ang ating depensa at magagawang i-modernize ang ating AFP at military ay gawin at samantalahin na natin. Huwag nating sayangin ang pagkakataon na ito lalo’t sinusuportahan din tayo ng ibang mga bansa. 


Panahon na rin naman na dapat ay ibigay ang buong suporta sa ating kasundaluhan at militar na silang pumuprotekta sa bansa.


Gayundin, hindi siguro masama kung paghandaan na natin ito sa ngayon upang hindi tayo matulad sa ibang bansa na sinakop at wala na silang nagawa.


Maging aral din sana sa atin ang nangyari noon na tayo ay inalipin, inabuso ng mga Kastila sa mahabang panahon kaya huwag natin itong ipagwalang-bahala.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page