ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 08, 2023
Nagkaroon ng konsultasyon ang inyong lingkod sa mga guro mula sa Pangasinan, Davao, Cebu at Metro Manila hinggil sa mother tongue.
Aminado tayong malaking hamon ang pagpapatupad ng polisiya sa mother tongue sa gitna ng napakaraming mga wika sa bansa.
Kaya naman hinihimok natin ang Department of Education o DepEd na pakinggan ang mga guro, supervisor, superintendent, at punong-guro sa pagrepaso sa Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE).
Base sa ating obserbasyon, may ilang mga guro na hindi bihasa sa paggamit ng mother tongue ang napipilitang gamitin ito sa pagtuturo. Base rin sa mga ulat ng mga guro, nahihirapan ang kanilang mga Grade 4 students sa pag-aaral ng Math at Science gamit ang Ingles. Sa nagdaang apat na taon, pinag-aralan nila ang Math at Science gamit naman ang mother tongue.
Mahigit sa 200 ang wikang naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa Census of Population noong 2020. Sa mga paaralan naman na multilingual ang kanilang setting, maaaring diskriminasyon ang maidulot ng MTB-MLE policy sa kanilang mga estudyante na gumagamit ng wika na hindi pareho sa lokal na wikang ginagamit sa pagtuturo.
Sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), tinukoy dito na ginagamit ng mga paaralan ang mga lokal na wika na maaaring hindi pareho sa ginagamit ng mga mag-aaral sa bahay. Pinuna rin ng nasabing pag-aaral ang kaisipang isa lamang ang unang wika o first language ng mga mag-aaral, kahit na gumagamit ang mga mag-aaral ng maraming unang wika.
Ayon pa sa PIDS, wala pang 10 porsyento sa mga 16,827 na lumahok sa kanilang pag-aaral ang nakapagsagawa ng apat na gawaing kailangan para sa epektibong pagpapatupad ng MTB-MLE. Ang mga ito ay ang pagsusulat ng mga aklat sa wika, panitikan at kultura; dokumentasyon ng ortograpiya ng wika; dokumentasyon ng balarila; at dokumentasyon ng diksyunaryo ng wika.
Ipinatupad na natin ang MTB-MLE mula pa noong 2013, kaya napapanahon na para magsagawa tayo ng pagsusuri kung epektibo nga ito o hindi, at kung paano nito naaapektuhan ang pagkatuto ng ating mga kabataan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentarios