ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 30, 2023
Habang nakatakda ang Department of Education (DepEd) na repasuhin ang pagpapatupad ng senior high school (SHS) program, nais naman nating bigyang-diin ang pangangailangan na tutukan ang kahandaan ng mga graduates sa trabaho o kolehiyo.
Nakakabahala dahil kahit isang dekada na ang lumipas simula nang isabatas ang Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533) o K to 12 Law, bigo ang programa na tuparin ang pangako nitong ihanda ang mga graduates sa trabaho o sa kolehiyo.
Ang mga graduate ng Technical-Vocational-Track (TVL) strand, halimbawa, ay hindi nakatanggap ng certification matapos ang kanilang graduation na magbibigay sana sa kanila ng mas mataas na tsansang makapasok sa trabaho.
Kapansin-pansin na 6.8% lang ang certification rate sa 473,911 TVL graduates para sa School Year 2020-2021. Sa kabilang banda, sa 32,965 na kumuha ng national certification para sa school year na 'yun, 31,993 o 97.1% ang pumasa.
Dahil maituturing na sagabal para sa mga senior high school graduates ang gastos sa pagkuha ng National Certificate (NC) I o II, iminumungkahi ng inyong lingkod na sagutin na lang ng gobyerno ang certification ng mga senior high school graduates.
Bukod pa rito, kailangan ng ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para matiyak ang mas maayos na transition ng mga senior high school graduates.
Ayon sa isang tracer study ng DepEd, kabilang sa mga isyung kinakaharap ng mga senior high school graduates na nagpatuloy sa kolehiyo ang hirap ng mga subjects at hindi pag-credit sa mga ito. Bagama’t nagpapatupad ang ibang pamantasan ng bridging programs, nagiging dagdag na gastos ito para sa mga mag-aaral at kanilang mga pamilya. Isa pa, hindi lahat ng pamantasan at kolehiyo ay nagpapatupad ng bridging program.
Kaya naman para matugunan ang mga hamon na ito sa senior high school program, inihain natin ang Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2022) na layong patatagin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, local government units, mga paaralan, at mga katuwang sa industriya.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentarios