ni Lourdes Abenales | June 28, 2020
Iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian na hindi niya muling irerekomenda ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24, sakaling makita niyang hindi pa handa ang Department of Education (DepEd) para sa distance learning sa kalagitnaan ng Hulyo.
Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, kinikilala niya ang pagsusumikap ng DepEd na maipatupad ang learning continuity plan, pero dapat ding mahigpit na mabantayan ang timeline para dito.
"If ever, by July 15, makikita natin na talagang kulang pa rin ‘yung trainings, mga gamit, then we will recommend to move school opening after August 24,” ani Gatchalian.
Dagdag pa ng senador, masasayang lang ang pera kung wala namang maayos na matututunan ang mga estudyante.
Nabatid na ibinunyag ng DepEd na apat palang mula sa 10 public school teachers ang nasasanay para sa distance learning, habang inamin din ng departamento na hindi pa naiimprenta ang mga modules na gagamitin ng mga mag-aaral.
Para naman makatipid sa oras at resources, iminungkahi ng senador na gamitin ng DepEd ang mga existing modules ng Department of Science and Technology para sa Math at Science.
Comentários