ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | April 06, 2021
Sa kabila ng maraming beses na pagkakaloob ng Bureau of Customs (BOC) sa Department of Education (DepEd) ng mga kinumpiskang gadgets upang makatulong sa distance learning, mariing hinihimok ng inyong lingkod ang DepEd na tiyakin ang mabilis at maayos na pagpapatupad ng sarili nitong computerization program—ang DepEd Computerization Program (DCP).
Pangunahing layon ng naturang programa na maglagay ng mga angkop at kinakailangang teknolohiya para mapunan ang kakulangan ng mga computer sa mga pampublikong paaralan, kung saan target nitong mapahusay ang proseso ng pag-aaral at pagtuturo. Nakasaad din sa programa na dapat magkaroon ng computer laboratory packages sa bawat high school, e-classroom sa bawat elementary school at laptop sa mga mobile teachers.
Sa ilalim ng 2021 national budget, mayroong halos anim na bilyong pisong nakalaan para sa DCP. Ngunit may ilang mga hamong kinahaharap ang pagpapatupad ng programa na kailangan ding matugunan ng DepEd.
Ayon sa Commission on Audit (COA), halos 60 porsiyento lamang ang naabot ng programa sa target nito mula 2015 hanggang 2019. Ibig sabihin, naglalaro lang sa 8,000 sa mahigit 14 libong mga target na paaralan ang nakatanggap ng information and communications technology (ICT) packages. Base pa sa COA, mahigit tatlong bilyong piso ang ibinayad na sa ilang mga supplier noong 2019 kahit may kulang pa sila sa documentary requirements.
Ayon din sa pag-inspeksiyon ng Komisyon, may ibang mga paaralan na hindi pa handang makatanggap ng ICT packages dahil sa kawalan ng computer rooms, angkop na electrical groundings, wirings at circuit breaker, at mga window grills.
Sa ulat naman ng ilang ICT coordinators, may ilang suppliers na hindi nagbigay ng after-sales service. Hindi na kasi sila makontak sa ibinigay nilang numero at email address kaya hindi na nakakuha ng warranty sa mga suppliers na ito.
Nakita natin ngayong panahon ng pandemya ang kahalagahan ng teknolohiya para sa mga mag-aaral at guro. Kaya mahalagang matiyak natin ang pagpapatupad ng nasabing programa upang mapakinabangan nila ito.
Bunsod ng sitwasyon ngayon, pinag-aaralan na ng inyong lingkod ang panukalang-batas na magbibigay ng laptop at internet allowance para sa mga mag-aaral ng K to 12 sa buong bansa dahil maituturing nang pangunahing pangangailangan ang laptop at internet connection sa pag-aaral. Huwag nating hayaang mapag-iwanan ang kabataang Pilipino at tulungan natin silang makamit ang dekalidad na edukasyon sa gitna ng pandemya.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments