top of page
Search

DepEd at pribadong sektor, partner sa pagtutok sa PISA 2025

BULGAR

by Info @Editorial | September 16, 2024



Editorial

Isa sa pinaghahandaan ngayon ng Department of Education (DepEd) ay ang Program International Student Assessment (PISA) sa 2025.


Sinusukat ng nasabing assessment ang performance ng mga edad 15 na mag-aaral sa mathematics, reading, at science.


Kaugnay nito, tinalakay ng kagawaran at ng 65 education partners nito ang mga pangkalahatang plano at aktibidad bilang paghahanda para sa PISA.


Matatandaang sa pagbusisi ng panukalang pondo ng DepEd para sa 2025, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na ang paghahanda para sa PISA sa 2025 ay parang Bar exam. 


Kaya bukod sa mga estudyante, kailangan ding suportahan ang mga guro sa pamamagitan ng pagtataguyod sa kanilang kapakanan. 


Masasabing ang resulta ng PISA ay nagbibigay ng mahalagang pananaw sa kalidad ng edukasyon sa buong mundo. 


Kaya bilang bansa na maraming hamon sa kalagayan ng edukasyon, kailangan ng mas matinding pagsisikap. Kailangang magtulungan ang gobyerno, pribadong sektor at ang komunidad.


Kailangan ng isang holistic na diskarte na hindi lamang umaasa sa mga tradisyunal na pamamaraan ng pagtuturo kundi pati na rin sa makabago at inklusibong mga solusyon. Dito papasok ang papel ng pribadong sektor sa pagbibigay ng suporta at inobasyon sa mga larangang ito.


Una, ang pagtutulungan ng DepEd at pribadong sektor ay maaaring magbigay daan sa mga bagong teknolohiya at kagamitan sa mga paaralan. Ang mga kumpanya sa teknolohiya ay maaaring magbigay ng mga digital platform, software, at iba pang mga mapagkukunan na magpapadali sa pagkatuto ng mga estudyante. 


Ikalawa, ang pribadong sektor ay maaaring magbigay ng suporta sa pamamagitan ng mga pagsasanay at seminar para sa mga guro. 


Ikatlo, ang pribadong sektor ay may kakayahang magbigay ng mga scholarship at iba pang anyo ng pinansyal na suporta sa mga mag-aaral na nangangailangan. 


Ang pagsasanib-puwersa ng DepEd at pribadong sektor ay hindi lamang tungkol sa paghahanda para sa PISA kundi pati na rin sa pangmatagalang pag-unlad ng sistema ng edukasyon sa bansa. 


Ang tunay na layunin ay mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas sa kabuuan, na makikinabang ang lahat ng mag-aaral sa bawat antas.


Sa huli, ang tagumpay sa PISA ay magiging tanda ng tagumpay sa pag-unlad ng edukasyon sa Pilipinas.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page