ni Madel Moratillo | June 8, 2023
Tiniyak ng bagong talagang kalihim ng Department of Health (DOH) na si Ted Herbosa na wala siyang plano na ibalik ang kontrobersyal na anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Matatandaang sinuspinde ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagbebenta at pamamahagi ng Dengvaxia vaccine sa bansa maging ang pagbawi nito noon sa merkado. Kasunod ito ng mga ulat ng pagkasawi umano ng ilan sa mga batang naturukan ng bakuna. Kalaunan, umamin ang manufacturer nito na Sanofi Pasteur na maaaring magdulot ng “severe symptoms” ang bakuna kung maituturok sa hindi pa tinatamaan ng dengue.
Noong nakaraang taon, una nang sinabi ng DOH na pinag-aaralan nila ang posibilidad ng paggamit ng anti-dengue vaccine.
Mula Enero 1 hanggang Mayo 13, umabot na sa 48,109 dengue cases ang naitala sa bansa. Mas mataas ito ng 38% kaysa 34,963 na kasong naitala sa kaparehong panahoon noong 2022. Mayroon namang 176 ang nasawi dahil sa dengue.
Comments