ni Lolet Abania | May 24, 2022
Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng pagtaas ng bilang ng dengue cases sa Central Visayas ngayong taon.
Ayon sa DOH Region 7, umabot sa 3,177 ang mga kaso ng dengue sa lugar na nai-record mula Enero 1 hanggang Mayo 7. Ang Cebu Province, ang nangunguna na may pinakamaraming dengue cases na 1,132 na naitala, kasunod ang Cebu City na may 708, Bohol na may 468 at Lapu-Lapu City na may 444 kaso.
Hanggang noong Mayo 7, nasa 31 naman ang nasawi sa naturang sakit sa buong rehiyon. Naitala ang mga ito sa Cebu City na 11 ang namatay, 10 sa Cebu Province, 6 sa Lapu-Lapu City, dalawa sa Negros Oriental at dalawa sa Mandaue City.
Sinabi ni Dr. Mary Jean Loreche, tagapagsalita ng DOH-Region 7, ang mga nagdaang pag-ulan at bagyo ang ilan sa mga tinitingnan nilang dahilan ng pagtaas ng kaso ng dengue sa naturang rehiyon.
“Lahat ‘yan has affected actually the accumulation of these waters that are stagnant,” saad ni Loreche sa isang radio interview ngayong Martes.
Paalala naman ni Loreche sa publiko na paigtingin pa ang isinasagawang 4S strategy kontra dengue. Ang 4S strategy ay Search and destroy mosquito-breeding sites; Self-protection measures; Seek early consultation of symptoms; at Support spraying or fogging upang mapigilan ang pagdami ng mga kaso dengue.
Comentarios