ni Lolet Abania | March 11, 2022
Handa ang Pilipinas na harapin ang tinatawag na Deltacron, isang kombinasyon ng mas nakahahawang Delta at Omicron variants ng COVID-19, ayon sa Department of Health.
Ito ang naging pahayag ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje nang tanungin kung ang health system ng bansa ay handa sa posibleng infection rate sa gitna ng babala ng World Health Organization (WHO) hinggil sa recombinant o pinagsanib na genes ng Delta at Omicron variants.
“I think based on our experience in the past and many experiences that we have gathered throughout the response in the pandemic, we should be ready to face another variant of concern,” sabi ni Cabotaje sa isang interview ngayong Biyernes.
Una nang kinumpirma ng WHO na mayroong nakitang mga kaso ng recombinant sa Europa na partikular na na-detect sa France, The Netherlands, at Denmark, na nagresulta sa isang proseso, kung saan dalawang magkaibang strain ng virus ang naka-infect sa iisang cell.
Ayon kay WHO Technical Lead for COVID-19 na si Dr. Maria Van Kerkhove, nananatili aniyang mababa ang detection ng naturang recombinant.
“We are aware of this recombinant. It’s a combination of Delta AY.4 and Omicron BA.1. But there are very low levels of this detection,” giit ni Van Kerkhove.
Sinabi rin ng IHU Mediterranee Infection sa Marseille, na masyado pang maaga para malaman kung ang Deltacron infections ay magiging napaka-transmissible o magdudulot ng severe disease.
Ang hybrid variant ay naiulat na nadiskubre sa isang Cyprus lab nito lamang Enero. Ito ay unang pinaniwalaan na maaaring resulta ng lab contamination.
Comments