ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 24, 2021
Muling ipatutupad ng Metro Manila Council (MMC) ang curfew hours na 10 PM hanggang 4 AM sa National Capital Region simula bukas, July 25, matapos isailalim ang rehiyon sa general community quarantine (GCQ) “with heightened restrictions.”
Sa ilalim ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Resolution No. 21-13 Series of 2021, napagkasunduan ng 17 Metro Manila mayors na baguhin ang dating 12 midnight hanggang 4 AM na curfew hours dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa rehiyon at upang makontrol ang transmission ng Delta variant.
Saad ni MMDA Chairman Benhur Abalos, "We need to limit the movement of the public through the imposition of longer curfew hours. Since the Delta variant spreads exponentially, we should not let our guards down and implement necessary restrictions to contain the virus.”
Samantala, sa pinakabagong ulat ng Department of Health (DOH), naitala ang 17 bagong kaso ng Delta variant sa bansa kung saan 12 ang local cases. Sa kabuuan ay pumalo na sa 64 ang naitalang Delta variant sa bansa.
Naitala rin ng DOH ang 6,216 karagdagang kaso ng COVID-19 ngayong Sabado at sa kabuuang bilang ay umabot na sa 1,543,281 ang total cases sa bansa.
Gumaling naman sa Coronavirus disease ang 6,778 pasyente at sa kabuuang bilang ay umabot na sa 1,461,749 ang recoveries. Nadagdagan naman ng 241 ang bilang ng mga pumanaw at sa kabuuan ay pumalo na sa 27,131 ang death toll sa bansa.
תגובות