ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Oct. 9, 2024
Nakakasulasok mamalas ang marami sa mga naghain ng kani-kanilang certificate of candidacy para makalahok bilang kandidato sa darating na eleksyon sa 2025.
Naandiyan ang mga magpapamilya, magkakapatid at magkakamag-anak na hayagan at sabay-sabay pang naghain ng kanilang kandidatura.
Nasaan na ba si Aling Delicadeza? Talaga bang siya ay nawala na ng lubos sa ating bansa kaya’t walang hiya-hiyang nagsulputan ang “Kamag-anak Inc.” na abot-tainga pa ang mga ngiti?
Panahon na para gumising ang masang Pilipino at huwag hayaang gawing family affair ang eleksyon at pagsisilbi sa bayan. Lalong hindi rin dapat ihalal ang mga kandidatong alam naman nating gagawin lamang negosyo at kabuhayan ang diumano’y kanilang pagnanasang maglingkod sa bayan. Kawawang Pilipinas!
Akala naman ng mga tumatakbong magpapamilyang ito na kaya nilang utuin ang taumbayan na tila sa tingin nila ay hindi nag-iisip at palalampasin ang kanilang ‘kasalaulaan’.
***
At para naman mabawasan ang ating pighati dahil sa mga kandidatong ito na naglipana sa ating paligid, pag-usapan natin ang tungkol sa isang nakapagpapangiting okasyon nitong nagdaang Biyernes.
Ang World Smile Day ay nakaugat kay Harvey Ball, ang Amerikanong lumikha ng ikonograpiyang smiley face o ang tanyag na bilog at dilaw na hugis na may payak na mukha’t mula sa magkabilang pisngi ang haba ng ngiti.
Nilayong itatag ni Ginoong Ball ang naturang araw noong 1999 upang hindi tuluyang kumupas ang kahulugan ng kanyang obra sa gitna ng malawakang komersyalisadong paggamit niyon.
Marami nga namang pakinabang na pangkalusugan ang dulot ng pagngiti. Kabilang dito ay ang pagbuti ng ating pakiramdam o kondisyon, pantanggal ng stress at pagkabalisa, pag-iwas sa altapresyon at pananakit ng katawan, pampalakas ng resistensya at pampahaba ng buhay. Lalong malaking tulong ito sa ating relasyon o pakikitungo sa iba.
Kahit sinong ngingiti ay aamo’t magiging kaakit-akit sa paningin ng iba. Madadaig ng palangiti ang sinumang nuknukan ng alindog na palasimangot naman. Nakalakhan na rin natin ang paniniwalang mas marami raw sa ating kalamnan o muscles ang kumakayod tuwing nakasimangot kumpara sa tuwing nakangiti.
Kaya ngitian ang suliranin — hindi man ito ang solusyon, mahalaga itong panimula upang matunton ang hinahanap na kalutasan.
Tila walang dahilan upang ngumiti? Isipin nating ang dalamhati ay damit na sa kalaunan, maaaring tanggalin at hindi pangmatagalang gayak.
Makatutulong kung tatanungin sa sarili kung ang ating bawat aksyon o balakin ay makapagpapaganda o makakapalubha ng sitwasyon.
Asintaduhin na ang bawat gawain ay makatutulong hindi lamang sa sarili kundi pati sa kapwa, na kahit ang tanging maipagkakaloob sa iba ay ngiting nagpapahiwatig ng pasasalamat.
Ipamalas ang ating ngiti lalo na sa mga nagsisilbi: sa mga pagod ngunit kumakayod na serbidor sa mga kainan, tindahan at nagbebenta ng BULGAR, sa sikyo at tsuper, sa mga magulang, kapatid, anak, at katrabaho.
Kung magagawa ng bawat nilalang na maiwaksi ang pagiging makasarili at dalisay na makapagpangiti, lalo na dahil sa paggawa ng tama nang may ngiti, liliwanag hindi lamang ang ating pisikal na anyo kundi pagpapalain rin ang ating mga buhay at kinabukasan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments