ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | December 30, 2021
Niratipikahan na ng bicameral conference committee ang panukalang-batas na layong tiyaking makatatanggap ng dekalidad na edukasyon at karampatang serbisyo ang mga mag-aaral na may kapansanan. Magdudulot ng mahalaga at makasaysayang reporma ang naturang panukala kapag isa na itong ganap na batas.
Niresolba ng bicam report ang mga pagkakaiba ng House Bill No. 8080 at ang ipinanukala ng inyong lingkod na Senate Bill No. 1907 na pinamagatang “Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act.”
Sa ilalim ng panukalang-batas, titiyakin ng bawat pampubliko at pribadong paaralan na bawat mag-aaral na may kapansanan ay magkakaroon ng equitable access pagdating sa edukasyon. Nakasaad din sa panukalang-batas na hindi mapagkakaitan ang mga mag-aaral ng pagkakataong makapasok sa paaralan dahil sa kanilang kapansanan.
Isasaad sa gagawing implementing rules and regulations (IRR) ng panukalang-batas ang mga minimum services at kondisyong dapat sundin sa mga admission system at policy ng lahat ng paaralan. Kasama ang probisyon ng assistive devices, mga pasilidad at imprastruktura sa admission process, iba’t ibang anyo ng reasonable accommodation, at iba pa.
Layon din ng panukalang-batas ang pagkakaroon ng mga Inclusive Learning Resource Centers of Learners with Disabilities (ILRC), kung saan ang mga mag-aaral na may kapansanan ay maaaring makatanggap ng libreng support services. Ang mga ILRC din ang magpapatupad ng iba’t ibang programa para sa inclusive education.
Sa naturang panukala, kailangang makipag-ugnayan ang Department of Education (DepEd) sa local government units (LGUs) upang magpatayo at magpatakbo ng ILRC sa lahat ng lungsod at munisipalidad. Maaari namang magpatayo ng ILRC sa bawat schools district, ayon sa pangangailangan ng LGU at kung may sapat na pondo.
Magkakaroon ang bawat ILRC ng multidisciplinary team na kabibilangan ng educational psychologists, guidance counselors, developmental pediatricians, physical therapists, speech and language therapists, special needs teachers at iba pang allied medical professionals.
Ito ang pinakamagandang regalo natin sa ating mga mag-aaral na may kapansanan at kanilang pamilya. Sa pamamagitan ng panukalang ito, matitiyak nating hindi na mapagkakaitan ng edukasyon at mahahalagang serbisyo ang kabataan at mag-aaral na may kapansanan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
コメント