top of page
Search
BULGAR

Dedmahin ang mga text na nag-o-offer ng trabaho, rewards, etc.

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | September 4, 2022


Isa ba kayo sa mga nakatanggap ng text message o messages galing sa (mga) hindi kilalang numero nitong mga nakaraang araw?


Ilan sa mga laman ng mensahe ay nag-o-offer ng kung anumang trabaho, reward o kaya naman ay nakasuhan daw kayo at kailangang ma-settle ito.


Hindi na naman bago ang spam messages kung kaya't mayroong spam filter ang ating messaging apps upang masala ito.


Ngunit nakagugulat na kasama na sa nilalaman ng bagong bersyon ng scam na ito ang inyong pangalan o nickname.


Ilan din sa atin ang natakot o kinabahan, lalo na kung ang ating natanggap na mensahe ay nagsasabing mayroon kang kaso.


☻☻☻


Marami ang umaray dahil sa kaganapang ito, kasama na sina Supreme Court Senior Associate Justice Marvic Leonen at ang ekonomistang si Edson Guido.


Ayon kay Justice Leonen, “Unsolicited or scam text messages on our phones already contain our names. This means that there is a data provider out there that has leaked or sold aor been careless about our information. This makes all of us now vulnerable. Very dangerous.”


Umayon din dito si Digital Pinoys national campaigner Ronald Gustilo, na nagsabing posibleng nakuha ang impormasyon sa mga digital contact tracing forms na ating ginamit noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.


☻☻☻


Iniimbestigahan na ng awtoridad ang bagong bersyon ng scam messages na ito.


Nag-utos na rin ang National Telecommunications Commission (NTC) sa mga telecommunications firms na magbabala sa mga subscriber nito tungkol sa scam.


Maghahain din tayo ng resolusyon sa Senado upang maimbestigahan ito at mapalakas pa ang ating data privacy laws.


Nakakatakot na maaaring nagagamit na pala ang ating mga personal na impormasyon sa kung anumang scam.


Mag-ingat tayong lahat at maging alerto sa mga nagnanais manamantala.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page