Dedma ng tulong at suporta noon… CELEBS NA BFF DAW NI NORA AT FANS, BIGLANG NAGLABASAN SA PAGKAMATAY NIYA
- BULGAR
- 3 hours ago
- 3 min read
ni Ambet Nabus @Let's See | Apr. 21, 2025
Photo: Larawan mula kay Jen Donna Pergis Morera - Nora Aunor National Artist
Sentro pa rin ang pagkamatay ni Superstar at National Artist Nora Aunor sa maraming usapan sa multimedia here and abroad.
‘Yun nga lang, kahit ang mga legit mainstream media outlet from abroad na pumulot ng balita ay hindi rin marahil nag-verify ng ilang impormasyon lalo na ‘yung may mga headline na ‘7 decades’ ang inabot ng karir ni Ate Guy gayung turning 72 years old pa lang siya this May.
Nandiyan din ‘yung ilang famous celebrities na biglang naging mga best friend ni Ate Guy gayung noong buhay pa ito ay halos hindi natin sila nabalitaan, especially kapag nangangailangan ng ayuda ang Superstar.
At lalo naman ‘yung mga fans na nagtiyagang mabilad sa matinding sikat ng araw makita lang for the last time si Nora sa kanyang burol. Mapapatanong ka talaga, nasaan po kayo noong may mga movie projects si Ate Guy at need niya ang suporta ninyo?
May something talaga sa ating kultura bilang mga Pinoy, ‘no? Kahit sa mga ordinaryong tao na namatay o hindi kaya’y nahuli ng batas, laging ang magagandang bagay lang ang nakikita at sinasabi.
Basta kami, we silently offered prayers for Ate Guy. Hindi man kami solid and avid fan niya dahil legit Vilmanian kami, sobra rin kaming nalungkot sa kanyang pagpanaw.
Noong ginagawa ko ang college thesis ko sa UP Diliman at naging P.A. din ako ng yumao na ring si Ate Luds (Inday Badiday), may magaganda at makabuluhan din akong mga anekdota kay Nora Aunor.
Pinaka-hindi ko makakalimutan ‘yung nakipag-inuman ako ng kuwatro kantos na gin with pancit bato on the side para lang mainterbyu siya. For the record, inabot ng more than 2 years ang thesis ko, kaya’t imadyinin ninyo kung ilang session ng inuman ang naganap sa amin kada interbyu. Minsan nga ay nasabi ko kay kabayang Kuya Ricky Lee, na sa dami ng kuwentuhan namin, puwede ko na rin siyang gawan ng libro. Hahaha!
Maraming SALAMAT Bulilit, Ate Guy, the Superstar at National Artist, Nora Aunor sa lahat ng naiambag mo sa industriya at buhay ng bawat Pinoy, here and abroad.
Sa mga mahal naming kaibigang Noranians, nakikiramay din po kami.
Sa mga naulila ni Ate Guy na sina Lotlot, Ian, Matet at Kiko, mga kaanak nila, sa aming kapatid Lala Aunor, Marion at Ashley, mga Aunor at Villamayor friends namin sa Iriga at abroad, ang amin pong sincerest condolences and prayers.
Rest in power, Ate Guy!
ISA nga si dear idol-friend-Mareng Vilma Santos sa mga unang-unang nakiramay sa pamilya ni Ate Guy.
Sa aming pagkakakilala kay Ate Vi, ramdam namin ang matinding kalungkutan at pagdadalamhati niya sa pagpanaw ng maituturing na kakambal niya sa showbiz.
Nagbabardagulan man ang mga fans/supporters nila, alam din ng lahat na very civil at mataas ang respeto nila sa isa’t isa.
Ang Nora-Vilma talaga ang bumuhay at nagpasigla sa industriya lalo na noong mga dekada ‘70, ‘80 at hanggang early ‘90s.
Nag-evolve man nang bonggang-bongga ang karera ni Ate Vi from showbiz to public service, hindi maitatangging naging malaking salik o factor ang walang kapares nilang ‘rivalry’ ni Nora Aunor.
Hindi man din sila ang matatawag na best of friends, pero sa industriyang nagmahal at minamahal nila, at sa mga nagmamahal din sa kanila, mabubuti silang mga tao.
Larawan ng magkaibang ‘greatness’ pero kapwa mga icons at legends na nagkatulungan since day one na may tinawag na Superstar at Star for All Seasons.
Mag-react na ang mga hanay nina Sharon Cuneta, Maricel Soriano, Judy Ann Santos, hanggang kina Kathryn Bernardo et. al., and with all due respect sa mga naunang nagreyna rin kina Ate Guy at Ate Vi, walang hihigit o makakapantay man lang sa uri ng rivalry o pagka-reyna nina Nora at Vilma.
Kaya ramdam namin, napilayan o may kung ano ring nawala sa isang Vilma Santos ngayong hindi na niya kailanman makakasama, makakatrabaho o makakausap si Ate Guy.
KUNG consolation mang matatawag ang pag-anunsiyo ni Jericho Rosales na siya ang boyfriend ni Janine Gutierrez sa wake ni Mamita Pilita Corrales, legit din naman sigurong masiyahan tayo.
Kaya naman nagkandaugaga rin si Echo sa pag-alalay kay Janine dahil nakaburol pa nga ang icon at legend lola nitong si Pilita Corrales, agad namang nasundan ng Lola Guy niya.
Nakakaloka kaya ang ganu’ng feeling. I’m sure marami sa atin ang nakaka-relate kay Nine (at sa Mommy Lotlot de Leon niya) lalo na ‘yung nakaranas din ng pagdadalamhati sa magkasunod na namatay sa pamilya.
Sure kami, isa itong karanasan sa buhay nila na hindi basta-basta malilimutan, kaya’t masasabi nating higit nang malalim ang ugnayan nina Echo at Nine sa ngayon.
Nakaka-proud namang maging BF si Echo.
Comments