top of page
Search
BULGAR

Deaf education, ngayon na!

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 13, 2022


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, isinusulong ng inyong lingkod ang pagrepaso ng Senado sa paggamit ng Filipino Sign Language (FSL) bilang language of instruction o wika sa pagtuturo sa deaf education.


Inihain natin ang Proposed Senate Resolution No. 14 dahil kapansin-pansing hindi naipatutupad nang maayos ang mga batas na nagbibigay-halaga sa FSL, kabilang na ang Filipino Sign Language (FSL) Act (Republic Act No. 11106) na naisabatas noong 2018 pa.


Maliban sa paggamit ng FLS bilang language of instruction sa deaf education, mandato rin ng FSL Act na gawing opisyal na wika ang FSL sa lahat ng transaksyong may kinalaman sa mga bingi.


Inilabas ang implementing rules and regulations o IRR ng FSL Act noong Disyembre 6, 2021 lamang, tatlong taon matapos lagdaan ang batas. Batay sa datos ng Department of Education para sa School Year 2019-2020, mahigit 28,000 mag-aaral na may kapansanan ang naitalang may hearing impairment o nahihirapang makarinig.


Kapuna-puna ang kakulangan ng teacher training para sa FSL, ang non-promotion at mobilization ng mga deaf teachers at ang kakulangan ng mga FSL materials – pawang mga balakid sa pagkatuto ng mga deaf learners. Kaya mahalaga na isinusumite ng Inter-Agency Council sa Kamara at Senado ang taunang ulat nito. Ang Inter-Agency Council, na binuo sa ilalim ng naturang batas ay mayroon nang bawat isang kinatawan mula sa Commission on Human Rights (CHR), Philippine Commission on Women (PCW), Council for the Welfare of Children (CWC), Komisyon sa Wikang Filipino (KWH) at iba pang Filipino Sign Language organizations. Inaatasan ang mga naturang institusyon na tutukan at suriing maigi ang batas at siguruhing naipatutupad ito nang maayos.


Nakadidismaya rin na marami sa mga deaf graduates ang hindi nakakapasa sa Examination for Teachers (LET) dahil hindi tugma ang kanilang kakayahan sa kanilang pinag-aralan. Nagdudulot ito ng institutional barrier para sa mga deaf graduates dahil imbes na maging ganap silang guro ay pumapasok na lang sila sa pagiging tutor na may mas mababang sahod.


Kung nais nating tiyakin na hindi mapagkakaitan ng de-kalidad na edukasyon ang ating mga deaf learners, dapat nating tiyakin na maayos na naipatutupad ang batas na nagsusulong sa Filipino Sign Language Act. Dapat din nating tugunan ang kakulangan ng mga sapat na materyales at oportunidad para sa ating mga deaf teachers dahil ang ating mga deaf learners ang napag-iiwanan.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page