@Buti na lang may SSS | March 6, 2022
Dear SSS,
Ako ay business owner sa Quezon City. Nabasa ko sa post sa inyong Facebook mayroon kayong condonation ng penalties para sa kontribusyon na hindi nahulugan bunsod ng krisis sa ekonomiya dahil sa kasalukuyang pandemya. Nais kong itanong kung paano ang aplikasyon para rito? - Shawn
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Shawn!
Para sa iyong kaalaman, naglunsad ang SSS ng mga programa sa ilalim ng Pandemic Relief and Restructuring Programs (PRRP) upang matulungan ang mga miyembro at employer na may pagkakautang sa SSS na higit na naapektuhan ng pandemya.
Isa nga rito ang Condonation of Penalties on Social Security Contributions o PRRP 2. Sa ilalim ng nasabing programa, tatanggalin ang penalties o multa na ipinapataw sa isang delingkuwenteng employer. Ang tinutukoy natin ay mga employer na hindi nakakpaagbayad ng kanilang SSS contributions para sa mga empleyado nito sa mismong araw o bago ang takdang petsang ng pagbabayad nito. Kabilang din sa kategoryang ito ang mga employer na nakapagbayad na ng kontribusyon, ngunit hindi nabayaran ang naiwang penalties. Pati ang mga household employers na hindi nakapagbayad ng kontribusyon kanilang mga kasambahay.
Inilunsad ang PRRP 2 upang matulungan ang mga employer na makabangon at tuparin ang kanilang mga obligasyon sa kabila ng ating kinahaharap na pandemya. Sa ilalim nito, bibigyan sila ng pagkakataong mabayaran ang kontribusyon ng kanilang manggagawa ng hindi kinakailangang bayaran ang mga naipong multa.
Sakop ng nasabing programa ang mga employer na hindi nakababayad ng kontribusyon sa SSS at penalties simula noong Marso 2020 hanggang sa kasalukuyang mga buwan.
Shawn, may dalawang paraan ng pagbabayad ng delinquency, tulad ng sumusunod:
Maaaring bayaran ang kabuuang halaga ng contribution delinquency sa opisina ng SSS o awtorisadong collection agent ng SSS tulad ng accredited banks, payment centers/partners sa loob ng 15 araw mula nang matanggap ang Notice of Approval galling sa Social Security Commission (SSC). Halimbawa, kung ang Notice of Approval na galing sa SSC ay natanggap mo noong Marso 4, 2022 at ang kabuuang halaga ng iyong delinquency base sa pagtutuos ng SSS ay P100,000 kinakailangan mong bayaran ang kabuuang halagang ito hanggang Marso 19, 2022.
Maaari ring bayaran ang contribution delinquency sa pamamagitan ng approved installment. Kinakailangan lamang na magbigay ka ng paunang bayad na hindi bababa sa 5% ng halaga ng iyong principal na delinquency. Ang naiwang balanse ay babayaran mo naman sa loob ng 24 buwan o katumbas ng dalawang taon batay sa halaga ng iyong delinquency. Ito ay papatawan ng 6% interes kada taon.
Maaaring magsumite ng iyong aplikasyon sa alinmang sangay ng SSS o sa Large Accounts Department (LAD)na matatagpuan sa 10/F, SSS Building, East Avenue, Diliman, Quezon City na may hawak ng iyong account hanggang Mayo 14, 2022.
***
Nais nating ipaalam sa ating mga miyembro na pinalawig ang application period ng Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 5 hanggang May 14, 2022. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro ang mga naipong multa o penalties sa hindi niya nabayarang utang sa SSS gaya ng salary loan, Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019.
Bukod dito, pinalawig din ang application period para sa Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 4.
Tatanggap ang SSS ng aplikasyon para dito hanggang Mayo 21, 2022. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comentarios