ni Lolet Abania | October 19, 2022
Inanunsiyo ng Social Security System (SSS) ang pagpapalawig ng deadline para sa pag-comply ng Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) sa Oktubre 31, 2022.
“Dahil ito ang inyong kahilingan... ang deadline para sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) program ay muling in-extend mula ika-30 ng Hunyo hanggang ika-31 ng Oktubre, 2022!” ayon sa SSS sa isang Facebook post ngayong Miyerkules.
Ang mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang mga bansa, total disability pensioners, at survivor pensioners kabilang ang mga dependent children (minor o incapacitated) at mga guardians ay required na magsumite ng ACOP.
Habang ang mga retirement pensioners na naninirahan sa bansa ay hindi na kailangang mag-comply naman sa ACOP.
Ayon sa SSS, para sa mga indibidwal na hindi nakasunod sa ACOP hanggang Oktubre 31, 2022, ang kanilang mga pensions ay isususpinde simula Enero 1, 2023.
Nire-require ng SSS ang mga pensioners na magsumite ng ACOP para sa updates ng kanilang personal na impormasyon at kondisyon. Ang mga pensioners ay kailangang punan o sagutan ang isang form at ipapadala ito na may larawan nila hawak ang isang diyaryo ng kasalukuyang petsa.
Maaari namang i-download ang ACOP pensioner’s reply form mula sa SSS website.
Ang mga nasagutan na o accomplished forms ay maaaring ipadala sa mga SSS branches o sa email.
Batay pa sa SSS, simula Nobyembre 1, 2022, ang mga nakaiskedyul na kailangang sumunod para sa ACOP compliance:
• Retirement pensioner living abroad: buwan ng kapanganakan
• Total disability pensioner: buwan ng kapanganakan
• Survivor pensioner: buwan ng kapanganakan ng deceased member
• Dependent (minor/incapacitated) kabilang ang guardian: buwan ng kapanganakan ng member/deceased member
Comentários