top of page
Search
BULGAR

Deadline ng pag-comply sa ACOP ng mga pensiyunado sa ibang bansa

@Buti na lang may SSS | June 12, 2022


Dear SSS,


Magandang araw. Ang mother-in-law ko ay SSS pensioner. Sa kasalukuyan, siya ay naninirahan sa Tring, Hertfordshire, United Kingdom. Nais sana niyang malaman kung paano siya magkakapag-comply sa ACOP? Kailangan pa bang umuwi siya sa Pilipinas para gawin ito? - Alexa


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Alexa!


Muling ibinalik ang Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagre-report ng mga pensiyunado sa SSS noong Oktubre 2021. Layunin nitong masiguro na ang tamang benepisaryo ang tumatanggap ng pensiyon at maprotektahan din ang pondo ng SSS. Samantala, nais naming ipaalam sa iyo na pinalawig ng SSS ang deadline sa compliance sa ACOP hanggang Hunyo 30, 2022 para sa 2021.


Kinakailangang mag-comply ang mga sumusunod na uri ng pensiyunado upang hindi maputol ang pagtanggap ng kanilang buwanang pensyon:


  • retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa;

  • total disability pensioners;

  • survivor pensioners; at

  • dependent (minor/incapacitated) pensioners na nasa pangangalaga sa ilalim ng guardianship.


Noon, kailangang magpunta pa ng pensiyunado sa mga opisina ng SSS para sa kanyang ACOP. Subalit, sa pamamagitan ng pinaigting na digitalization effort ng SSS, mas pinadali, mas pinasimple at mas pinabilis ang pag-comply sa programang ito.


Nagpatupad ang SSS ng mas ligtas at mabilis na alternatibong pamamaraan upang makasunod dito na hindi na nangangailangan pa ng personal appearance sa SSS.


Alexa, para sa mga pensiyunado na naninirahan sa ibang bansa, tulad ng iyong mother-in-law, may tatlong paraan upang isagawa ang ACOP.


Option 1: Sa pamamagitan ng video conference (Microsoft Teams). Mag-send siya ng appointment request sa ofw.relations@sss.gov.ph. Hintayin ang e-mail confirmation mula sa SSS na naglalaman ng transaction reference number (TRN) at ng link sa Microsoft Teams. Sa scheduled video conferencing, dapat siyang mag-present ng isang (1) primary ID card o dalawang (2) secondary ID cards.


Option 2: Maaaring ipadala ang mga required na dokumento sa e-mail address ng pinakamalapit na SSS foreign office. Sa United Kingdom, ang aming foreign office ay matatagpuan sa No. 11 Embassy of the Philippines, Suffolk St., London, SW1Y 4HG at may e-mail address na london@sss.gov.ph.


Option 3: Maaari ring ipadala ang mga required na dokumento sa pamamagitan ng koreo sa SSS OFW-Contact Services Section, Social Security System Main Office, East Avenue, Diliman, Quezon City 1100.


Para sa Option 2 at 3, dapat ihanda ng mother-in-law mo ang sumusunod na mga dokumento:


  • duly-accomplished ACOP Form;

  • isang primary o dalawang secondary ID cards;

  • half-body photo ng pensyonado na may hawak na kasalukuyang dyaryo o di kaya’y nasa background niya ang TV news crawler o ticker kung saan makikita ng malinaw ang news headline at kasalukuyang petsa.


Alexa, maaari mo ring i-download ang ACOP form sa link na ito https://bit.ly/3mC8TkE.


Nais naming ipaalala na kung hindi magkakapag-comply sa ACOP ang iyong mother-in-law hanggang Hunyo 30, 2022, maaaring maputol ang pagtanggap niya ng buwanang pensyon mula sa Setyembre 2022.


***


Para sa mga delinquent housing loan borrowers, mula Mayo 25, 2022 ay binuksan ng SSS ang Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nila nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa 12/F, SSS Building, East Avenue, Diliman, Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng mga piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila. Tatanggap ng aplikasyon para dito hanggang Hunyo 30, 2022.

 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page