ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 26, 2020
Isang higanteng manunumbok na naman ang naungusan ni Jeffrey “The Bull” De Luna matapos daigin ng Pinoy si Albin Ouschan ng Austria, 2-1, upang mahablot ang huling upuan sa semifinals ng umuusok nang Predator One Pool 10 Online Challenge.
Dikdikan ang labanan ng duwelong Pinoy-Austrian at sa unang sargo ay bahagyang nakaangat si Ouschan sa iskor na 60-55. Sa pangalawang banggaan, tablang 60-60 ang naiposte kaya nauwi sa tiebreaker na napagwagian ni De Luna.
Dahil sa 1-1 na sitwasyon, kinailangan ng winner-take-all match. Sa puntong ito, napunta uli sa 60-60 na iskor kaya nagkaroon na naman ng tiebreaker na napanalunan ni De Luna, 40-25, kaya ito nakapasok sa semis.
Pero wala pang ilang oras ang lumilipas nang ipaulit ng mga organizers ang huling laro dahil sa “patterned racking” ni De Luna. Umalma ang Pinoy at nagdesisyon ang tagapangasiwa na si Ouschan sa halip na si De Luna ang papasukin sa semifinals.
Nabalewala ang magandang performance ng Pinoy dahil sa delubyo. Nauna rito, pinadapa niya si dating World Pool Association no. 1 Jayson Shaw ng Scotland sa gitgitan ding iskor, 2-1.
inilampaso rin ni De Luna, World Cup of Pool rin ER-up katuwang si Carlo Biado, si Naser Al-Mujaibel ng Kuwait, 2-0. Hindi pinaporma ng 36-anyos na Pinoy si Al-Mujaibel sa tulong ng 60-53 at 60-31 na mga rekord.
Comentarios