ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | April 16, 2021
Tutumbukin ng Pilipinas sa pamamagitan nina Jeffrey “The Bull” De Luna at Roberto “Superman” Gomez ang makasaysayang pang-apat na titulo sa prestihiyosong World Cup of Pool na nakatakdang magsimula sa bilyaran ng Milton Keynes, England ngayong Mayo 9 hanggang 14.
Sa halos isa’t-kalahating dekada ng maigting na bakbakan sa torneo, wala pang bansa ang nakakagawa nito pero ang mga cue artists ng Pilipinas ay kumakatok na sa pinto ng kasaysayan.
Taong 2006 nang magsanib-puwersa sa England sina Billairds Congress of America (BCA) Hall of Famers Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante para ibigay sa Pilipinas ang una nitong titulo. Pilipinas rin ang inagural champion ng paligsahan. Nang muling ganapin ang paligsahan noong 2009, ang tandem na Reyes-Bustamante uli ang nagkampeon sa harap ng kanilang mga kababayan.
Pumasok sa eksena sa England sina Lee Van “The Slayer” Corteza at Dennis “Robocop” Orcullo noong 2013 para ibigay sa Pilipinas ang pangatlo nitong korona.
Noong 2019 nang huling ganapin ang paligsahan, nagkampeon sina Albin Ouschan at Mario He para sa Austria habang ang tikas nina De Luna at 2017 World 9-Ball king Carlo “The Black Tiger” Biado ay nagbigay ng runner-up honors para sa Pilipinas.
Ngayong 2021, masusubukan ang angas sa mesa ng puwersa nina The Bull at Superman. Si De Luna ay sariwa sa pagkopo ng dalawang korona sa Predator Sunshine State Tournament. Pang-apat na rin ito sa mga podium finishes na naiposte ng 37-taong-gulang na Pinoy ngayong 2021 sa panahon ng pandemya. Kamakailan ay pumangatlo siya sa Michael Montgomery Memorial 10-Ball Mini (Frisco, Texas) gayundin sa Rack N Grill 9-Ball Shootout (Augusta, Georgia). Noong Pebrero ay namayagpag si Gomez kontra sa 110 iba pang cue artists para makuha ang trono ng Midwest Open Billiards One Pocket sa Ohio.
Comments