ni Chit Luna @Brand Zone | June 29, 2023
Matindi ang galit ni Pamplona, Negros Oriental Mayor Janice Degamo, biyuda ng pinatay na si Negros Occidental Governor Roel Degamo sa pagkakabulgar ng kaso ng drug suspect na si Jose Adrian Dera, a.k.a. Jad Dera, na nakakalabas-masok ng detention facility sa tulong umano ng National Bureau of Investigation (NBI) jail guards.
Ani Mayor Degamo, tuluyan na siyang nawalan ng tiwala sa NBI na pinamumunuan ni Director Medardo De Lemos na appointee ni Pangulong Bongbong Marcos.
Nainis din si Mayor Degamo nang malaman nitong hindi binigyan ng parusa ni De Lemos ang hepe ng NBI Security Management Service na ‘di pinangalanan.
Nabatid na lamang ni Mayor Degamo na inilipat lamang ito sa South Cotabato NBI Office kung saan umano may negosyo ito.
Ani Mayor Degamo, parang walang ideya ang NBI sa mga nangyayari lalo na sa pagbawi ng sinumpaang salaysay ng 10 suspek sa pagpatay sa asawang gobernador.
Dahilan para maghanap na ng ibang ahensya ng gobyerno si Mayor Degamo, sapagkat nawalan na umano ito ng tiwala sa NBI.
Bumaba na aniya ang tingin ng marami sa NBI dahil sa bilanggong sina Dera at Miranda na malayang labas-masok ng selda.
Matatandaan na isa si Dera sa kasamang akusado ni dating Senador Leila de Lima sa kaso ng droga.
Nabuko ang paglabas-masok ni Dera sa NBI Detention Center kung saan apat na beses umano siyang lumabas sa selda kasama ang NBI guards.
Ang pinakahuling paglabas ni Dera ay makaraang makita ito na kumakain sa restaurant ng isang 5-star hotel sa Makati. Natuklasan din na nagtungo umano si Dera sa Tagaytay, Subic, at isang resort sa Calatagan, Batangas. Siya ay escorted din umano ng NBI guards patungong Rizal kasama ang isang babae.
Nabuking ang paglabas-masok ni Dera sa NBI cell dahil kay Atty. Levito Baligod, abogado ng pamilya Degamo.
At sinabi pa nito na siya ang nagbigay ng impormasyon sa NBI-NCR at NBI Task Force Against Illegal Drugs ukol sa mga aktibidad ni Dera.
Malaking tanong din umano, kung saan napunta ang P25 milyong sinasabing suhol sa mga suspek para iurong ang kanilang testimonya.
Alam umano kaya ito ni De Lemos, sapagkat kalat na raw sa Bureau na kaibigan umano nito ang hepe ng Security Management Service na na-reassign lang sa Koronadal.
Ang ipinagtataka naman ng mga grupo ng mga abogado ay kung bakit hindi pa sinisibak si De Lemos dahil bukod sa expired na ang kanyang serbisyo bilang director ng Bureau gawa ng compulsory retirement sa edad na 65 ay wala umano itong order mula sa Department of Justice na nagsasabing extended siya.
Liban dito, nasasaad sa Memorandum mula sa opisina ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na may petsang February 18, 2021 “the extension of service of government officials and employees who have reached the compulsory retirement age will no longer be allowed”.
“Out of delicadeza, NBI Director Atty. Medardo De Lemos dapat ka nang mag-resign,” panawagan ng mga grupo ng mga abogado sa iba’t ibang sektor sa bansa at ng pamilya Degamo.
Comments