top of page
Search
BULGAR

De-kalidad na edukasyon sa gitna ng pandemya, kaya ba talaga?

ni Ryan Sison - @Boses | May 26, 2021



Kamakailan, isinusulong ng Commission on Higher Education (CHED) ang flexible learning bilang “new normal”.


Pero sa halip na sang-ayunan, agad itong umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga mag-aaral, guro at mambabatas. Bagama’t may mangilan-ngilang pabor at dedma, tulad ng inaasahan, umani rin ito ng batikos.


Giit ng isang grupo, lalong magpapalala sa iba’t ibang problema ng mag-aaral ang isinusulong ng CHED. At kung nais umano itong ipagpatuloy ng ahensiya, kailangang bigyan ng gadget at internet connection ang mga mag-aaral na nangangailangan.


Sa kabilang banda, nanawagan ang isang mambabatas sa CHED na pag-aralan ang sitwasyon ng mga estudyante at guro sa higher education institution bago isulong ang flexible distance learning na siyang “norm” para sa darting na pasukan.


Dagdag pa ng mambabatas, “very dangerous” at banta sa access ng mga Pilipino sa kalidad ng edukasyon ang pahayag na hindi pa makababalik sa face-to-face learning sa pasukan.


Sa totoo lang, napakaraming dapat ikonsidera pagdating sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng mga estudyante sa gitna ng pandemya. At kung apektado na ang iba’t ibang aspeto ng kanilang buhay, magiging epektibo ba talaga ang distance learning?


Matatandaang, maraming nanawagan ng academic ease dahil sa mental, physical at financial strain na dulot ng flexible distance learning. Gayundin, sa nakaraang school year, marami sa mga estudyante ang napilitang huminto muna sa pag-aaral dahil walang sapat na access sa online classes o module.


Kaya panawagan sa mga kinauukulan, bago tayo magpatupad ng mga hakbang, tiyaking lahat ay makikinabang nang hindi maisasakripisyo ang kalidad ng edukasyon.


Tandaan, ang mga mag-aaral na tinuturuan natin ngayon ay magiging propesyunal pagdating ng panahon kaya dapat lang na de-kalidad na edukasyon ang matanggap nila ngayon.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page