ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Nov. 2, 2024
Dear Chief Acosta,
Habang ako ay bumibili ng pagkain mula sa isang sikat na fast food restaurant, nakarinig ako ng pagtatalo sa pagitan ng isang matandang customer na tila banyaga at ng kahera. Iginigiit ng customer na dahil siya diumano ay 77 taong gulang ay dapat daw may diskwento ang kanyang biniling pagkain. Bilang patunay sa kanyang edad ay ipinakita niya ang kanyang pasaporte. Maaari bang makakuha ng diskwento sa bilihin ang mga matatandang banyaga dito sa Pilipinas? — Vicente
Dear Vicente,
Ayon sa Republic Act (R.A.) No. 9994 o ang “Expanded Senior Citizens Act of 2010,” ang isang senior citizen ay tumutukoy sa sinumang mamamayan ng Pilipinas na may edad na hindi bababa sa 60 taong gulang. Sa kabilang banda, nakasaad naman sa Rule 5, Article 2 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas na:
“5.1 SENIOR CITIZEN OR ELDERLY -- refers to any Filipino citizen who is a resident of the Philippines, and who is sixty (60) years old or above. It may apply to senior citizens with “dual citizenship” status provided they prove their Filipino citizenship and have at least six (6) months residency in the Philippines.”
Sang-ayon sa nasabing probisyon, tanging ang mga residenteng Pilipino na may edad na hindi bababa sa 60 taong gulang o kaya naman ay mga Pilipinong may dual citizenship status na may edad na hindi bababa sa 60 taong gulang na naninirahan ng hindi bababa sa anim na buwan dito sa Pilipinas, ang maaaring makinabang ng senior citizen discount.
Samakatuwid, ang isang banyaga o dayuhan, kahit siya ay may edad na hindi bababa sa 60 taong gulang, ay hindi kuwalipikado sa senior citizen discount. Gayunpaman, isang paalala na ang isang may hawak ng dayuhang pasaporte ay maaari ring may hawak ng pasaporte ng Pilipinas dahil sa dual citizenship. Kung kaya, ang iyong nakitang matanda na nakikipagtalo sa kahera ay maaaring magkaroon ng senior citizen discount kung siya ay isang dual citizen. Ang isang senior citizen na nais makakuha ng mga benepisyo at pribilehiyo sa ilalim ng R.A. No. 9994, at mga panuntunan nito ay kinakailangang magsumite ng mga dokumento o katibayan ng kanyang karapatan sa alinman sa mga sumusunod:
a) Senior Citizens’ Identification Card na inisyu ng Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) sa lungsod o munisipalidad kung saan naninirahan ang mga matatanda;
b) Pasaporte ng Pilipinas; at
c) Iba pang balidong dokumento ng pamahalaan na nagsasaad ng petsa ng kapanganakan ng isang matanda na nagpapatunay na siya ay isang mamamayan ng Republika at may edad na hindi bababa sa 60 taong gulang tulad ng lisensya sa pagmamaneho, national voter’s ID, SSS/GSIS ID, PRC card, postal ID.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments