ni Lolet Abania | May 5, 2022
Niyanig ng 5.7-magnitude na lindol ang baybayin ng Davao Oriental ngayong Huwebes nang madaling- araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Unang nai-report ng ahensiya na nasa 6.2-magnitude ang lindol, subalit binago nila ito at na-downgrade sa 5.7-magnitude na pagyanig.
Batay sa Phivolcs, alas-5:41 ng madaling-araw naitala ang lindol na may lalim na 96 kilometro, at tinatayang 136 kilometro timog-silangan ng bayan ng Tarragona, Davao Oriental.
Nai-record naman ang Intensity 2 sa General Santos City, kung saan bahagyang gumalaw ang mga gamit na mga nakasabit.
Naramdaman din ang mga instrumental intensities sa mga sumusunod na lugar:
• Intensity 3 - Malungon and Alabel Sarangani
• Intensity 2 - Nabunturan, Davao De Oro; Davao City; Tupi, South Cotabato; Koronadal City
• Intensity 1 - Malaybalay, Bukidnon; Kidapawan City; Kiamba, Sarangani; Santo Niño at T'boli South Cotabato
Ayon sa Phivolcs, wala namang napinsala matapos ang lindol. Subalit, babala ng ahensiya, posibleng magkaroon ng mga aftershocks.
Comentarios