ni Lolet Abania | May 5, 2022
Niyanig ng 5.8-magnitude na lindol ang baybayin ng Davao Oriental ngayong Huwebes nang hapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Batay sa Phivolcs, alas-4:21 ng hapon naitala ang lindol na may lalim na 2 kilometro, at tinatayang nasa 147 kilometro timog-silangan sa bayan ng Tarragona.
Nai-record ang Intensity 3 sa Malungon at Alabel sa Sarangani; Davao City, at Tampakan, South Cotabato.
Naitala ang Intensity 2 sa Tupi, South Cotabato, General Santos City at Kiamba sa Sarangani, habang Intensity 1 ay naiulat sa Santo Niño, South Cotabato at Palimbang, Sultan Kudarat.
Naramdaman naman ang instrumental intensities sa mga sumusunod na lugar:
• Intensity III - Malungon at Alabel, Sarangani
• Intensity II - Davao City; Tupi, at Koronadal City, South Cotabato; Glan, at Kiamba, Sarangani; Nabunturan, Davao De Oro
• Intensity I - T'boli, South Cotabato; Maasim, Sarangani; Kidapawan City, Cotabato; Kidapawan City
Ayon sa Phivolcs, wala namang napinsala matapos ang lindol. Subalit, nagbabala ng ahensiya sa posibleng mga aftershocks.
Una nang naitala ang magnitude 5.7 na lindol ngayon ding Huwebes nang madaling-araw sa nasabi ring lugar.
Comments