ni Thea Janica Teh | December 16, 2020
Hindi sasali sa pilot implementation ng face-to-face classes sa Enero ang Davao City at Cotabato, ayon sa Department of Education (DepEd) ngayong Miyerkules.
Ayon sa Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA), hindi pa handa ang mga eskuwelahan sa bansa na magsagawa ng face-to-face class ngayong school year.
Nauna na ring nagsabi ang Metro Manila council na hindi sasali ang National Capital Region sa dry run ng face-to-face classes sa January.
Ibinahagi ni COCOPEA Managing Director Joseph Noel Estrada na hindi pa umano kumokonsulta sa kanila ang DepEd patungkol sa pagbabalik ng face-to-face classes sa ibang lugar.
Dagdag pa ni Estrada, huli na para pag-usapan ang face-to-face classes dahil dapat ay isinagawa ito bago pa magsimula ang school year.
Hindi na umano nakapagplano at nakapaghanda ng budget ang mga paaralan para rito.
Samantala, tinatayang nasa 1,000 paaralan sa buong Pilipinas ang hinirang ng DepEd sa pagsali sa implementasyon ng face-to-face classes sa susunod na taon.
Ang dry run ay gagawin sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19.
Noong Mayo, matatandaang hindi pinayagan ng pamahalaan ang pagsasagawa ng face-to-face classes hangga’t wala pang COVID-19 vaccine.
Comments