ni Gerard Peter - @Sports | October 29, 2020
Maituturing na isa sa mga matatagumpay na boksingero sa kasaysayan ang dating World Boxing Council (WBC) at The Ring Magazine Heavyweight champion Vitaly “Dr. Iron Fist” Klitschko, ang umaming naging biktima rin ng mapanganib na novel coronavirus (COVID-19).
Ang 49-anyos na retired Ukrainian boxer na si Klitschko (45-2, 41KOs) ay kasalukuyang Mayor ng capital city na Kiev ay napabalitang nagpositibo sa Covid-19, ilang araw bago ang local elections sa kanilang lugar kung saan inaasahang makukuhang muli nito ang puwesto.
“Coronavirus hit me at a most inconvenient moment. Tested positive today,” pahayag ni Klitschko sa kanyang social media account. “The Mayor’s work during the pandemic, of course, involves constant risk. Communication with people, hospital check. In particular, there was regularly in infectious departments where the sick of Covid-19. Tried to be aware. Given the specifics of the work, I regularly did tests. Today’s unfortunately is disappointing,” dagdag nito sa kanyang Instagram post.
Nagsilbing Mayor ng Kiev ang dating 1995 Rome Military World Games gold medalist sa super-heavyweight sapol noong 2014. Naging dating miyembro ng Ukrainian Parliament ang panganay na kapatid ni heavyweight great at dating 1996 Atlanta Olympics champion Wladimir Klitschko, at naging aktibo sa politika simula noong 2005, habang pinagsasabay ang pakikipagbakbakan sa ibabaw ng ring, hanggang sa magdesisyon itong magretiro noong 2013.
Ayon sa pinakabagong polls, nakalalamang ang 1995 Berlin World Championships silver medalist sa kanyang mga katunggali sa pagka-Mayor ng Kiev.
Naka-self isolate ang Russian-born boxer habang ipinagpapatuloy nito ang pagtatrabaho sa kanilang tahanan, habang hinikayat nito ang kanyang mga kababayan na sumunod sa mga alituntunin at panuntunan ng may kinalaman sa Covid-19, kung saan mayroon ng naitalang mahigit sa 337,000 kaso sa kanilang bansa at may 6,200 na nasawi. “Feeling good, but I have to go on self-isolation. Work from home. Please don’t ignore the rules and don’t ignore the threat! Take care of yourself!”
Comments