top of page
Search

Dating singer, pinabayaan na ng mga kaanak… CORITHA NA-STROKE, NAKARATAY NA LANG AT ‘DI MAKAPAGSALITA

BULGAR

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 1, 2024


Showbiz news
Photo: Philippine Old Photos Collection & Julius Babao / FB

Nalungkot kami sa sinapit ng OPM Icon na si Coritha na sumikat noong dekada ‘70 at napapanood pa ring nagpe-perform hanggang nu’ng taong 2000 dahil bedridden na siya ngayon at nangangailangan ng tulong.


Siya ang nagpasikat ng mga awiting Oras Na, Lolo Jose, Sierra Madre, Gising Na, O Kuya Ko at lagi niyang ka-collab si Heber Bartolome at ang Banyuhay.  


Tanda namin ay nasunugan ng bahay si Coritha nu’ng 2018 sa Brgy. Sacred Heart, Quezon City at wala siyang naisalbang gamit dahil luma na rin ang bahay nila na yari sa kahoy. 


Napanood namin ang Unplugged vlog ni Julius Babao nitong Martes nang gabi sa YouTube at humihingi rin ng tulong ang host para kay Coritha na ngayon ay nakahiga, hindi makakilos at hindi na rin nagsasalita. 


Sa Tagaytay ngayon nakatira si Coritha kasama ang partner na si Chito Santos. Iniuwi na siya nito after masunog ang kanyang bahay. 


Kuwento ni Chito ay nakita niyang natutulog lang sa folding bed noon si Coritha sa nasunog na bahay, na nu’ng una ay ayaw pa raw sumama sa kanya. 


“Ayaw ipagalaw ang bahay dahil nasunog. Buti napilit kong umuwi rito. Sabi ko, ‘Wala nang tutulong sa ‘yo.’ ‘Yung kapatid n’ya, salbahe, ibinenta ang bahay,” kuwento ng partner ng OPM icon. 


Nang umuwi raw sila ni Coritha sa Tagaytay ay wala pa itong sakit at nakakapag-motor pa raw, hanggang sa natapilok at okey pa sana, nakakalakad pa, may hawak lang na baston. 


“Nagkaroon ng mild stroke. Kinain ‘yung dalawang guyabanong malaki, pagdating nang madaling-araw, sabi n’ya, ‘To, nawiwiwi ako.’ (Tapos) Pagkaihi n’ya, nawalan na s’ya ng laban (lakas), itinakbo ko na sa hospital,” pahayag ni G. Chito.


Naging emosyonal ang partner ni Coritha dahil walang tulong na nagmumula sa kaanak nito na tila pinabayaan na.


“Mabuti at mayroon kaming kapirasong lugar (maliit na bahay sa gitna ng maraming halamanan),” napaluhang sambit nito kay Julius.


Inabutan ni Julius na nakahiga si Coritha, may nakalagay sa ilong na tubong manipis. At nang makita si Julius, halatang gustong mag-react ng singer pero hindi makagalaw.


Totoo ang sabi ni G. Chito na maganda pa rin si Coritha, pumayat nga lang.


Kinamusta ni Julius ang kalagayan ng dating sikat na folk singer.


“Ayos naman, hindi lang nakakapagsalita pero ‘yung pakiramdam n’ya, matalas,” paglalarawan ni Chito.


Diabetic daw si Coritha. Nu'ng time na ma-stroke ito at itinakbo niya sa ospital, du'n nakita sa CT scan na ilang beses na pala itong inatake pero hindi lang napapansin.


Hindi na raw ipinaopera ni Chito si Coritha sa payo na rin ng kapatid niyang doktora dahil wala rin daw itong kasiguruhan na makakaligtas ang dating folk singer, kaya nag-decide siyang iuwi na lang ito sa bahay at umokey naman ang lagay ni Coritha, 'di nga lang nakakakilos at nakakapagsalita.


Mahaba ang kuwento ni Chito kung paano sila nagkakilala ni Coritha at ang ganda ng love story nilang dalawa dahil after 30 years, saka sila nagkitang muli, nu’ng nasunugan na nga ang magaling na mang-aawit noon.


Handa na rin naman daw siya kung may mangyari sa babaeng minamahal at kapag hindi kinuha ng kaanak ay sa museleo nila sa Malabon daw niya ilalagak si Coritha, pero ‘pag hindi naman pumayag ang mga kaanak ni Chito ay iuuwi niya ito sa Bicol.


Bagama’t may mga nagbibigay daw ng pagkain nila sa araw-araw ay kailangan pa rin ni Coritha ng tulong para sa araw-araw na pangangailangan nito. 


Walang naging asawa si Coritha at ang minanang bahay sa ina na nasunog ay ibinenta ng kapatid daw nito ang lupa sa isang Chinese businessman na hindi man lang siya nabigyan.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page