ni Julie Bonifacio @Winner | Jan. 14, 2025
Photo: Ice Seguerra at Jake Zyrus - Instagram
Nabanggit namin kay Ice Seguerra ang balita tungkol sa kapwa niya transman na si Jake Zyrus sa Amerika sa ginanap na mediacon ng Love, Sessionista concert na gaganapin sa The Theater at Solaire sa February 8.
Ayon sa aming source ay naging alcoholic and jobless daw si Jake sa US.
Reaksiyon ni Ice, “I hope, I really hope… well, ako kasi, I’ve been there. I’ve been in a very bad place.
“Siguro, ang sinuwerte ko lang, may mga tao na nasa paligid ko na talagang may malasakit at may pagmamahal.
“So, ako, that’s my wish for him na he will find his wife na who will support him, love him and will show him love and acceptance. ‘Yun!
“Kasi, I think that’s very important for a person, ‘yung no matter who you are, no matter what you do, alam ko na okay lang mag-fall ka because alam mong may sasalo sa ‘yo. And I got so lucky. So, I hope he has that.”
Of course, ang wife na binabanggit ni Ice ay walang iba kundi si former FDCP Chair Liza Diño.
Agree si Ice sa ideya na bumalik ng Pilipinas si Jake, lalo pa’t maganda ang takbo ng concert scene sa entertainment industry.
Sey niya, “Yeah. Ako, I honestly wish that people would stop comparing us. Kasi, okay, we’re both trans, but hindi porke pareho kaming trans, pareho kami ng journey.
“Iba-iba ang tao, iba-iba ang journey natin. Iba-iba ang pinagdaraanan ng tao. Iba ang pupuntahan natin.
“I have my own journey, he has his own journey. So, I hope they respect his journey as well.
“Stop comparing us because hindi nakakatulong ‘yun, eh. Hindi nakakatulong ‘yun ‘pag ikinukumpara ka. Kahit kanino pa ‘yan. Kahit sino pang artista ‘yan. Walang may gusto noon.
“Kumbaga, tigilan na natin ‘yan. Let Jake be Jake, ‘di ba? Kung saan s’ya masaya, we’re just to support him.
“Actually, wala namang makakapagsabi na dapat ganito ka, dapat ganyan ka. Journey n’ya ‘to, eh. Wala naman siyang sinasaktan na tao. Bakit tayo nangingialam sa mga desisyon n’ya sa buhay?”
Binanggit din namin kay Ice na balitang may naging GF na si Jake sa US.
“Good,” ngiti ni Ice.
May pakiusap naman si Ice sa mga taong nagkukumpara sa kanila ni Jake.
“Ako, sasabihin ko ‘to. Malaki ang ipinagbago ng buhay ko dahil sa asawa ko. Malaking bagay ‘yung partner mo. Kasi ‘yung partner mo ang magsasabi sa ‘yo nang totoo. S’ya lang ang magbibigay sa ‘yo ng perspektibo na normally, ‘di maibigay ng iba.
“‘Yung ibang tao, hindi nila maibibigay sa ‘yo kasi gusto nila ‘yung approval mo lang ang makuha nila. ‘Yung partner mo, s’ya lang ang makakapagsabi sa ‘yo nang totoo,” lahad pa ni Ice.
Si Ice ang direktor ng pre-Valentine concert nila ng kanyang fellow Sessionistas na sina Juris, Sitti, Princess Velasco, Kean Cipriano, Duncan Ramos at Nyoy Volante.
Sa dami nila at kapwa malalaking artists din gaya ni Ice, tiniyak ng dating child star na may equal exposure ang bawat isa sa kanila sa Love, Sessionistas produced by Fire and Ice.
At dahil kapwa niya magagaling ding artists ang ididirek niya, may kani-kanyang inputs din daw ang mga ito sa show, na welcome naman kay Ice Seguerra.