top of page
Search
BULGAR

Dating aktor, lumayas ng 'Pinas… MAKISIG, FOOD DELIVERY BOY SA AUSTRALIA

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | August 26, 2021




Taga-deliver ng sariling food business at staff ng isang malaking wholesale outlet sa Sydney, Australia ang trabaho ngayon ng dating aktor na si Makisig Morales na huling napanood sa epic seryeng Bagani noong 2018 kasama sina Liza Soberano at Enrique Gil.


Sa Australia na nakabase si Makisig kasama ang buong pamilya niya at doon na rin niya nakilala ang asawang si Nicole Joson.


Sa bagong segment nina Ogie Diaz at Mama Loi plus Tita Jegs sa YouTube channel na Ogie Diaz Showbiz Update na Kumustahan ay malalaman ng kanilang mga subscribers kung kumusta na ang mga kilalang personalidad na nasa ibang bansa.


Ibibidyo nila ang kanilang mga sarili base sa ipinadalang katanungan ni Ogie.


Sa kasalukuyan ay lockdown sa lugar nina Makisig kaya stay at home lang sila na mas gusto niya dahil safe sila.


“Mahirap po ang lockdown dito sa Australia. 'Yung restriction po rito sa amin, bawal kang lumabas within five kilometers of your local government area. Puwede ka lamang lumabas kung bibili ka ng groceries o meron kang kailangan sa bahay. Pero other than that, hindi ka talaga puwedeng lumabas,” bungad ng dating aktor.


Kaya ang food business nila ay naapektuhan ng lockdown.

“Mahirap ngayon para sa business dahil ako 'yung nagde-deliver and mahirap lumabas kapag lalagpas ka na ng five kilometers dahil masyado pong maliit 'yung five kilometers sa local government area.


“'Yung mga works din po ngayon, nagbabawas ng oras para sa mga tao dahil nga lockdown. Lalo na 'yung mga hindi essential workers, kina-cut down nila 'yung oras,” kuwento ni Makisig.


Ang ama raw ni Makisig ang nagdesisyong dalhin ang buong pamilya sa Australia para sa magandang future nila lalo’t sampu silang magkakapatid.


Aminado naman ang aktor na hindi naging madali ang buhay nila sa Australia lalo’t mga bata pa ang ibang kapatid niya noon, pero ngayon ay malalaki na silang lahat at may mga trabaho na base rin sa mga larawang ipinakita nito.


Paglalarawan ni Makisig, “Firstly, maganda for me dahil nandito ang family ko pati family ng asawa ko. Pero mahirap din sa totoo lang dahil kailangan mong pagtrabahuhan talaga lahat para maka-survive ka, para makakain ka, para makapagbayad ka ng bills and everything.


“Normal, kahit sa Philippines, ganu’n pa rin naman, pero ang patakaran ng payments, every week. Kailangan, every week, magbabayad, hindi katulad sa atin d’yan sa Philippines na every month ang bayarin. May mga adjustments din pero madali at mahirap.”


At dahil wala pang anak sina Makisig at Nicole ay nagkakatulungan sila sa lahat ng bagay.


“Happy, actually. Sobrang happy dahil hindi ka na mag-isa gumagawa nu’ng mga bagay na masaya kang gawin. Puwede mo na siyang gawin together with your wife tulad ng pagtatrabaho.


“Thankful ako kasi si Nicole, sobrang masipag. So ayun, nagagawa na namin parehas 'yung gusto naming gawin and masaya kami kasi magkasama kaming dalawa,” pahayag nito.


Samantala, gusto pa ring manirahan ni Makisig dito sa Pilipinas.


“Pero kung ako ang papipiliin, gusto ko pa ring manirahan sa both, gusto ko pa ring manirahan sa Philippines and gusto ko pa rin manirahan dito,” saad niya.


Hindi pa rin daw isinasara ni Makisig ang pinto niya sa showbiz na 'pag may magandang offer ay tatanggapin niya.

0 comments

留言


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page