top of page
Search
BULGAR

Darating pa ba si Santa Claus?

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Dec. 20, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Maraming mga bata ang nagtatanong kung darating pa ba si Santa Claus — masakit na katanungan kung ang makaririnig ay ang mga magulang partikular ang ama ng tahanan dahil sa isang mahalagang papel ang kanilang ginagampanan sa mga anak sa tuwing sumasapit ang Pasko.


Sa dinami-dami ng ating mga kababayang tila hindi pinalad sa panahong ito ng Kapaskuhan dahil sa mga pagsubok na dumaan tulad ng mga kalamidad ay mahirap ipaliwanag sa kanilang maliliit na anak kung darating pa ba si Santa Claus.


Alam naman natin na bahagi ng ating kultura na ang ama ng tahanan ay naglalaan ng panahon para makapaghanda at maibili ng laruan para pasayahin ang Pasko ng kanilang mga anak sa paniniwalang galing ito kay Santa Claus.


Sa mga lugar sa Pilipinas ay maraming mga bata ang hanggang sa kasalukuyan ay umaasang isang araw bago mag-Pasko ay dadalawin sila ni Santa Claus.


Bilang isang tatay ay damang-dama ko ang pighating nararanasan ng mga ama ng tahanan na kapos sa kakayahan para tuparin ang mga pangarap ng kani-kanilang mga anak kahit sa isang simpleng pamasko lamang.


Sa kabila ng napakarami na nating napuntahan lugar para bahaginan ng kahit pang-Noche Buena man lamang ay nagsusumigaw ang katotohanang hindi natin kakayaning bigyan lahat para walang malungkot sa mismong araw ng Pasko.


Nawa ay magsilbing aral din sa mga ama ang pangyayaring ito na lalo tayong magsumikap sa buhay para sa susunod na taon ay matiyak nating mapupuntahan ni Santa Claus ang ating mga anak.


Ngunit, hindi porke kapos tayo sa pinansyal na aspeto ay hahayaan na lamang nating dumaan ang Pasko ng wala lang.


Dapat ay pangunahan natin ang mismong paliwanag sa ating mga anak kung ano talaga ang tunay na kahulugan ng Pasko at idetalyeng mabuti na hindi handa at laruan ang importante bagama’t bahagi ang mga material na bagay ay higit na mahalaga na magkakasama ang buong pamilya.


Pinakamahalagang sabay-sabay tayong dumalo sa misa sa mismong araw ng kapanganakan ni Hesus kasama ang buong pamilya at ipagpasalamat natin ang mga biyayang ipinagkaloob ng Panginoon sa nagdaang taon.


Pagkatapos dumalo ng misa ay dapat ding pagsaluhan ang hapunan kahit walang magarbong handa — dahil kahit simple ay magkakasama at buo ang pamilya.

Ito ang tunay na diwa ng Pasko, ang ipagdiwang ang kaarawan ng ating Panginoon at dapat na maunawaan ng ating mga anak. 


Ipagdasal lang natin sa Panginoon ang kasalukuyan nating pinagdaraanan at unti-unti ay magiging maayos din ang lahat habang maiintindihan ng mga bata kung bakit hindi magagawi si Santa Claus.


Samantala, ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP) ay tumaas ng bahagya ang krimen na may kaugnayan sa Pasko – ito ay dahil sa pressure na kailangan ng panggastos sa Kapaskuhan.


Ngunit hindi tamang gumawa pa ng panlalamang sa kapwa para lamang mairaos ang araw na ito ng masagana — kahit magarbo ang handaan kung galing naman sa masama ay tiyak na hindi ito ikatutuwa ng Panginoon.


Hindi naman kailangang may mamahaling damit o regalo dahil ang mahalaga ay maipadama natin sa kapwa ang pagmamahal. At kung may mga kasamaan tayo ng loob ay mabuting makipagkasundo na bilang pag-alala sa tunay na diwa ng Pasko.


Sa ganitong paraan ay mairaraos natin ito ng maligaya at sinisiguro kong mas masaya ang ganitong uri ng karanasan kumpara sa maraming handa pero sobrang bigat naman ng nararamdaman dahil sa rami ng bagahe sa buhay.


Ayokong magtunog relihiyoso ngunit mahalagang yugto ng ating buhay ang panahong ito at sayang naman kung hindi natin magagawang maging masaya dahil lamang sa kakapusan sa buhay.


Huwag tayong malugmok dahil sa hindi natin maayos na sitwasyon at sa halip ay gamitin natin itong inspirasyon para sa masayang Pasko sa susunod na taon. Maligayang Pasko sa inyong lahat!


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page