top of page
Search
BULGAR

Dapat walang pasyenteng tatanggihan, ‘wag hayaang masawi dahil sa kahirapan

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Marso 16, 2024


Nagsagawa ng pagdinig sa Senado noong March 12 ang Senate Committee on Health na ating pinamumunuan at pinag-usapan ang pagpapabuti at pag-a-upgrade ng mga public health facilities sa buong Pilipinas. 


Sa hearing, binigyang-diin ko na ang pagpapalakas sa ating healthcare system ay isang mahalagang investment para sa kinabukasan ng ating bansa at sa kalusugan ng bawat Pilipino.


Ang mga layuning ito ang nagtulak sa atin upang isulong at suportahan ang mga panukalang pagpapatayo at pagsasaayos ng mga pampublikong ospital sa iba’t ibang komunidad. Ngunit bago natin ipasa ang mga panukalang ito, dapat ding siguraduhin na ang bawat ospital ay may sapat na pondo para sa pagpapatakbo at pagpapanatili sa mga ito.


Importante na maging operational ang mga health facilities at masiguro na kayang pondohan ang mga ito. Sabi ko nga, baka laging nag-aapruba ng mga batas kaming mga mambabatas pero wala namang budget, kaya napakaimportante na naroon sa ginanap na pagdinig ang mga taga-Department of Finance at ang Department of Budget and Management.


Umapela rin tayo sa iba nating kasamahan sa gobyerno na gamitin ang pera ng bayan para matulungan ang mga mahihirap. Dapat ang mga mahihirap na kababayan natin ang makikinabang dito sa mga ospital na ito. Unahin natin sila, lalo na ang mga helpless at hopeless nating kababayan.


Binigyang-diin din natin na walang sinumang pasyente ang dapat tanggihan ng gobyerno ng tulong pampagamot na kailangan nila. May mga medical assistance programs naman ang gobyerno na puwedeng ma-avail sa mga Malasakit Centers. Pera naman ng taumbayan ‘yan. Dapat lang na ibalik sa kanila sa panahon ng kanilang pangangailangan lalo na pagdating sa kalusugan.


Ito ay isang paalala na ang bawat kuwalipikadong Pilipino ay may karapatang makatanggap ng karampatang tulong at serbisyong medikal mula sa gobyerno. Sabi ko nga, alam ninyo minsan, ang ibang mga kababayan natin, umuuwi na lang, takot magpaospital, ang iba ay nalalagutan na lang ng hininga dahil sa takot sa babayaran sa ospital.Huwag nating hayaang may nais magpagamot na uuwi ng luhaan o bigo. May pondo naman para makatulong sa kanila.


Kung nagagamit nang tama ang mga programang ito at mapakinabangan ng taumbayan ang pondo ng bayan, dapat walang malalagutan ng hininga dahil sa kahirapan.Ilapit natin ang tulong ng gobyerno sa tao sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyo. At dahil bisyo ko na ang magserbisyo, walang tigil ang ating paghahatid ng tulong sa mga komunidad natin na nangangailangan.


Masaya kong ibinabalita na noong March 13 ay isinagawa na ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Maramag, Bukidnon. Sa araw na iyon ay ginanap naman ang turnover ceremony ng itinayong Super Health Center sa Claver, Surigao del Norte. Nitong mga nakaraang araw din ay sinaksihan natin ang turnover ng Super Health Centers sa mga bayan ng Mabuhay at Olutanga sa Zamboanga Sibugay.


Nasaksihan din natin ang blessing ng Super Health Center sa Rizal, Nueva Ecija. Ang Super Health Centers ay isinulong natin kasama ang Department of Health, mga local government units at mga kapwa natin mambabatas upang mas mailapit sa tao ang pangunahing serbisyong medikal na kailangan ng mga komunidad.


Nasa Pampanga naman tayo noong March 14 at nagkaloob ng tulong sa mga benepisyaryo ng isinagawang medical mission sa Lubao, kasama sina Governor Delta Pineda at Vice Governor Nanay Pineda. Matapos ay binisita natin ang itinayong Super Health Center sa lugar. Bumisita rin tayo sa Arayat para personal na saksihan ang inagurasyon ng Super Health Center doon. Nagkaloob tayo ng tulong sa mga taga-Arayat na nawalan ng hanapbuhay, kasama sina Mayor Madir Alejandrino, Vice Mayor Bon Alejandrino at iba pang alkalde ng probinsya.


Nagpapasalamat tayo sa mga taga-Arayat sa pagdeklara sa atin bilang adopted son ng kanilang bayan. Dumiretso rin tayo sa Zambales para dumalo sa Liga ng mga Barangay Tarlac City Congress sa paanyaya ni Mayor Cristy Angeles.


Masaya ko ring ibinabalita na sa araw ding iyon ay isinagawa na ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Balo-i, Lanao del Norte na dinaluhan ng aking opisina.


Kahapon, March 15, nasa Pangasinan naman tayo para personal na saksihan ang inagurasyon ng Super Health Center sa Mapandan. Nagkaloob tayo ng tulong sa 500 residente na nawalan ng hanapbuhay kasama ang Department of Labor and Employment. Nakipagdiwang din tayo sa ginanap na Pandan Festival at nagkaloob ng suporta sa 200 festival attendees. 


Matapos ito ay dumiretso tayo sa Nueva Ecija at nag-inspeksyon sa itinayong Super Health Center sa Science City of Muñoz. Nagbigay tayo ng tulong sa 700 mahihirap na residente sa lugar katuwang si Cong. GP Padiernos. Bilang adopted son ng parehong probinsya ng Pangasinan at Nueva Ecija, sisikapin kong makatulong sa aking mga kababayan doon sa abot ng aking makakaya.


Kahapon din ay sinaksihan namin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Jamindan, Capiz, gayundin ang soft launching ng itinayo namang Super Health Center sa Talisay, Camarines Norte, at ang grand opening ng Pili Public Market at groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Pili, Camarines Sur na ating isinulong noon.


Ang ating Malasakit Team naman ay pumunta sa iba’t ibang lugar sa bansa para maghatid ng tulong sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis.


Naayudahan ang mga naging biktima ng sunog kabilang ang 103 sa Roxas City, Capiz; 210 sa Parañaque City; 193 sa Las Piñas City; tatlo sa Maitum, Sarangani; lima sa General Santos City; 24 sa Cagayan de Oro City; 27 sa Marihatag, Surigao del Sur; 37 sa Balindong, Lanao del Sur; at sampu sa Marawi City. 


Bilang Fire Prevention Month ngayong Marso, paalala lang sa lahat na mag-ingat at panatilihing ligtas ang komunidad laban sa sunog.


Naabutan din ng tulong ng aking opisina ang ilang mahihirap na residente ng Quezon City katuwang si Councilor Mikey Belmonte, gayundin ang 300 benepisyaryo sa isinagawang medical and dental mission sa San Remigio, Antique kasama si Vice Governor Ed Denosta. Natulungan din ang mga nawalan ng hanapbuhay gaya ng 177 sa Masinloc, Zambales; at 169 sa Mulanay Quezon, na nabigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho.Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong tutulong at magseserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya.


Tuloy ang aking pagseserbisyo sa kapwa ko Pilipino dahil naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo ‘yan sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page