ni Ricky Rivera - @Pasada | July 18, 2022
Hindi pa man sumusumpa ng kanyang tungkulin bilang bagong Pangulo ng ating bansa, mukhang maganda na ang ipinapakita ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. Natuwa tayo sa mga appointments niya.
Akmang-akma kay Overseas Filipino Worker (OFW) advocate Susan “Toots” Ople ang nagpapatalaga sa kanya bilang kauna-unahang kalihim ng Kagawaran Para sa mga Migrant Workers. Simula pa lamang ng pagkamatay ng kanyang amang si dating Senator Blas Ople, tinutukan ni Toots ang Blas Ople Labor Center na ang pangunahing tuon ay ang pagtulong sa mga OFWs. Saksi tayo sa kanyang pagsisigasig. Noong may tinutulungan tayong eskuwelahan, napaaral natin ang mahigit dalawampung OFWs’ na karamihan ay mga naging biktima ng illegal recruitment, panggagahasa at pang-aabuso ng kani-kanilang employer. Ito ay sa tulong na rin ng Villar Sikap Foundation.
Ngayon, Maganda na ulit ang mga buhay ng mga OFWs na ito. 'Yung iba ay may mga negosyo. 'Yung ilan naman sa kanila ay nakatapos ng kani-kanilang kurso at ngayon ay nakabalik bilang migrant workers sa iba’t ibang bansa.
Malalim ang pagkakaalam ni Toots sa mga problemang kinahaharap ng mga OFWs. Sa pakikipag-ugnayan din kay Benny Laguesma na uupo bilang kalihim ng paggawa, tiyak nating magiging maganda ang kalagayan ng ating mga manggagawa at OFWs.
Ekonomiya—'yan ang dahilan kung bakit sampung milyong Pilipino ngayon ang nangingibang bansa. Dahil hindi pa rin maganda ang takbo ng ating ekonomiya, patuloy na walang trabaho ang mahigit 12 milyong Pilipino. Paano nga ba maitataas ang antas ng ating pangkabuhayan?
Ayon sa mga ekonomista, kailangang maging atraktibo ang Pilipinas sa mata ng mga namumuhunan—lokal man o dayuhan. Bagama't maraming kaganapan sa ibang bansa na may epekto sa ating macro economy, sinabi naman ni incoming Finance secretary Benjamin Diokno, na matatag ang ekonomiya para salagin ang mga bantang ito.
Maraming oportunidad ngayon para sa atin. Unang-una, naghahanap ng malilipatang bansa ang mga multinationals na nakabase sa Hongkong. Dahilan sa palakas na palakas na paghawak ng bansang Tsina sa mga kaganapan sa Hongkong, maraming dayuhang namumuhunan ang tumitingin sa mga bansa sa Southeast Asia, kabilang ang Pilipinas.
Bakit ang Pilipinas?
Puno na at matataas ang property prices sa mga bansang Singapore, Taiwan, maging ang Malaysia at Thailand. Tanging ang Indonesia at Pilipinas lamang ang may imprastraktura na aangkop sa panlasa ng mga dayuhang kumpanya.
Kailangan natin ang dayuhang kapital upang makabangon ang ekonomiya. Kung makababangon ang mga lokal na industriya, magkakaroon ng dagdag-trabaho ang mga Pilipino. Bababa ang unemployment rate na ngayon ay umabot na sa 12% at mas maraming pamilya ang makakain dalawa o tatlong beses sa isang araw. Mas maraming Pilipino na nagtatrabaho, mas maraming panggastos upang tumakbong maigi ang ekonomiya.
Kaya nga, dapat mas i-develop ang ating economic zones, magtayo pa ng mas maraming espasyo upang mas maraming kumpanya ang magtayo ng kani-kanilang opisina sa Pilipinas. Unahin natin ang kapakanan ng mamamayanang naghihirap at kailangan ng mga trabaho upang mabuhay. Ito ang dapat prayoridad ni P-BBM. Huwag pigilan ang mga infrastructural projects na isinasagawa na sa ngayon, lalo na mga reclamation projects.
Prayority din dapat ni P-BBM ang pagpapaunlad ng transportasyon sa bansa. Bigyan ng stimulus package ang mga PUV operators upang manatiling makapagbigay-serbisyo sila sa publiko. Isuspinde muna ang jeepney modernization habang nasa hindi magandang kalagayan ang ekonomiya. Hayaan munang makabangon ang transport sector.
Para sa mga tanong o komento, mag-email ang sa rickyrivera@pasadacc.com
Comentarios