ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 4, 2021
May mga padrino ba si Nuezca kaya nakalusot sa kanyang mga dating kaso?
Hindi pa man tayo nakakaraos sa samu’t saring kinahaharap na problema — pandemya, bagyo, lindol, at iba pa — humabol pa ang karima-rimarim na pagpatay ng pulis sa isang mag-ina sa Tarlac, kamakailan.
Mabuti na lang at nakunan ng video ng mga nakasaksi ang harapang pamamaril ni Police Staff Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio, at nai-post sa social media. Kung hindi, baka nakalusot na naman ang abusadong pulis na ‘yan.
Take note, mahaba na pala ang listahan ng mga kaso ni Nuezca. Pero ang nakapagtataka, lahat ay nalusutan niya? Nakakahiya naman ang kanyang angas sa mga kapwa niya pulis na tapat sa tungkulin.
Biruin n’yo, nitong nagdaang taon, lusot siya sa dalawang homicide case? Dismissed o ibinasura ayon sa rekord ng pulisya! Nasuspinde naman siya noong 2014 dahil sa pagtangging magpa-drug test, may kaso siyang grave misconduct noong 2013, at serious neglect of duty noong 2016 dahil sa hindi pagtestigo sa isang drug case.
Nakakaalarma ang lantarang pamamaril ng pulis na ito. Tila ba sanay na sanay at parang practice target lang ang ginawa sa mag-ina. Mukhang regular na ‘hitman’ lang ang peg.
Ang tanong, sino ang padrino ni Nuezca? Kaninong bata ba ito? Kaninong pader siya nakasandal?
Kung sinuman ang ‘ninong’ o ‘mga ninong’ niyan, IMEEsolusyon ko riyan, eh, kalkalin at imbestigahan at nang magkaalaman na!
Base sa Republic Act 8551, pati mga superior niya dapat imbestigahan dahil layunin ng batas na ‘yan ay ireporma at i-reorganize ang PNP, at tuluyan nang walisin ang mga bulok sa organisasyon.
Ikalawa, rebyuhin at siguruhing regular ang psychological at drug test ng mga pulis, na hindi nabibili ang resulta, ha!
Naiparating sa ating tanggapan na ilang “sponsor” at mga kaklase ng mga police recruit ang bumibili umano ng resulta ng nasabing mga neuro test at drug tests! Grabe!
Panghuli, plis lang PNP, puspusan naman ang gawin ninyong pagpapahinto sa bentahan ng mga ilegal na armas sa Northern provinces dahil yan ang ugat ng mga krimen!
Huwag sanang hayaan masira ang buong PNP dahil lang sa iilang masasamang-loob sa inyong hanay. Saludo pa rin kami sa inyong sinumpaang tungkulin “to serve and protect”. Keri ‘yan!
Comentarios