ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 2, 2024
Paulit-ulit na nasasangkot sa kontrobersiya ang maraming may-ari ng sasakyan na nakakaladkad ang kanilang pangalan sa krimen o kaya ay nasasangkot sa iba pang paglabag sa kabila ng katotohanang matagal na nilang naipagbili ang dati nilang sasakyan at ang nakabili na ang dapat managot.
Kaugnay nito, nananawagan tayo sa Land Transportation Office (LTO) na palakasin pa ang sistema hinggil sa bentahan ng mga segunda manong sasakyan upang hindi naman malagay sa alanganin ang mga may-ari na nagbenta lamang ng pinaglumaan nilang sasakyan.
Karaniwang practice na kasi ang ‘open deed of sale’ na palaging nakahanda na sa buy and sell at pipirmahan na lamang ng mga nagbenta ng sasakyan ngunit hindi naman agad ito inire-report ng nakabili sa LTO.
Maraming pagkakataon na nasangkot sa aksidente ang isang sasakyan na ang may kagagawan ay ang bagong nakabili na nito, pero ang dating may-ari pa rin ang hinahabol ng batas.
Dahil dito, ipinanukala ni Sen. Raffy Tulfo sa LTO na obligahin ang lahat ng magre-renew ng kanilang vehicle registration na personal na pumunta sa LTO branch at magsumite ng valid government ID.
Sinabi ni Tulfo na marami na siyang natanggap na sumbong kung saan hirap ang mga otoridad na tukuyin ang gumamit ng sasakyang sangkot sa krimen o aksidente dahil matagal na pa lang naibenta ito pero nakapangalan pa rin sa unang owner.
Binanggit na halimbawa ni Tulfo ang reklamo kaugnay sa Silver Mitsubishi Montero Sport na ginamit sa pambubudol sa isang pasyenteng may cancer kamakailan na hanggang ngayon ay hindi pa rin natutukoy ang driver nito dahil napagpasa-pasahan na ang kotse at ‘open deed of sale’ lamang ang naganap na proseso.
Ayon sa senador, ‘common practice’ na ngayon lalo na sa buy and sell, na bibili ng sasakyan ang isang tao at hindi muna ito nirerehistro dahil ibebenta niya rin ito, habang umiiwas sa karagdagang gastos.
Matagal na ang reklamong ito at napakarami nang kaso ang napabalita na may ganitong kalakaran ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin natutugunan dahil sa kawalan ng maayos na sistema.
Marahil, panahon na para papanagutin ang sinumang bumili ng sasakyan na hindi agad-agad ipinagbibigay-alam sa pamunuan ng LTO na sila na ang nagmamay-ari ng nabiling sasakyan upang agad na maputol ang kaugnayan ng dating may-ari ng behikulo dahil naibenta na.
Karaniwang gumagawa nito ay mga nasa negosyong buy and sell ng sasakyan, at naging talamak na ang sistema na humantong sa iba’t ibang kumplikasyon.
Kaya habang wala ang umiiral na matinong sistema ay makabubuting ang mga nagbebenta na ng sasakyan ang siya na mismong magsumite ng mga dokumento sa LTO upang ipaalam at tuloy ay opisyal nang maputol ang ugnayan sa ipinagbiling behikulo.
Sa ganitong paraan ay maiiwasang makaladkad ang pangalan ng dating may-ari ng sasakyan sakaling masangkot man sa aksidente ang bagong owner nito.
Makabubuti rin na bigyan lamang ng kaukulang araw ang mga may hawak ng ‘open deed of sale’ para isaayos sa takdang panahon, at kapag nasita na hindi pa ito opisyal na naililipat ang pagmamay-ari ay kailangang bigyan ng kaukulang multa upang magkaroon ng pananagutan.
Kung hindi maisasaayos agad ang sistemang ito ay mananatili namang problema na posibleng magdulot pa ng mas malalang sitwasyon sa mga susunod na pagkakataon.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments