top of page
Search
BULGAR

Dapat paigtingin din ang dengue-watch sa mga paaralan

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | August 24, 2022


Talamak na naman ang dengue sa bansa.


Ayon sa Department of Health, nagtala ang bansa ng 102,619 kaso ng dengue as of July 30, 2022.


Mas mataas ito ng 131 percent kumpara sa 44,361 kaso na naitala noong 2021.


☻☻☻


Ngayong nagbalik-eskwela na ang mga bata, mahalagang siguruhin din na hindi kakalat ang dengue sa mga paaralan.


Mas fatal ang dengue para sa mga bata, kaya nananawagan tayo sa Department of Education at mga local government unit na mag-focus din sa dengue.


Bukod sa COVID-watch, dapat paigtingin din ang dengue-watch at kailangang masiguro na dengue-safe ang schools natin.


Malaki ang maitutulong ng mga LGU para masiguro na palaging malinis ang mga paaralan at hindi pinamumugaran ng lamok ang mga ito.


Umaasa tayong makikipagtulungan ang LGU sa DepEd para makapagsagawa ng mga clean-up drive at iba pang anti-dengue measures kahit patapos na ang Brigada Eskwela 2022 ngayong linggo.


☻☻☻


Iminumungkahi rin natin na kausapin ng mga LGU ang mga pamayanan tungkol sa 4S strategy ng DOH tugon sa dengue.


Mahalagang malaman din ng mga pamilya kung ano ang maaari nilang gawin upang maiwasan ang dengue sa kanilang tahanan.


Ang kahulugan ng 4S ay search and destroy, self-protection measures, seek early consultation at say no to indiscriminate fogging.


☻☻☻


Nananawagan din tayo sa Department of Science and Technology na ibahagi ang kanilang mga kaalaman at teknolohiya sa pagkontra sa dengue.


Alam nating abala ang DOST sa pag-develop ng mga technology na makatutulong sa pagkontra sa dengue, kaya sana ay gamitin din ang mga ito.


Kasama rito ang Mosquito Ovicidal-Larvicidal (OL) trap system na nakapapatay ng itlog at larvae ng lamok na Aedes aegypti na nagdadala ng dengue.


Nawa’y sa lalong madaling panahon ay mailabas na rin ang herbal anti-dengue capsule na dini-develop ng DOST.


☻☻☻


Banta sa kaligtasan at buhay ang dengue, lalo na sa mga bata, kaya’t umaasa tayong magtutulungan ang pamahalaan at pamayanan upang makontra ang pagkalat nito.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page