ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | March 16, 2021
Sa gitna ng muling pinahigpit na protocol kasunod ng tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19, dapat pinaghahandaan na rin ngayon pa lang ang sitwasyon kapag magsimula nang buksan ang mga paaralan lalo na’t nagsimula na ang pagbabakuna.
Hindi lamang ang “quarantine classification” ng isang lugar ang dapat maging basehan ng Department of Education (DepEd) sa pagpili ng mga lugar para sa panukalang pilot test ng localized limited face-to-face classes sa low-risk areas o mga lugar na wala o kakaunti ang kaso ng COVID-19.
Dapat maging mas tiyak tayo pagdating sa lokasyon at sa mga magiging batayan ng risk assessment. Bukod sa quarantine level, kailangan ding gumamit ng mga sukatang naka-base sa agham at public health at gumawa ng heat map para sa mas maayos na risk assessment. Napakahalaga ng pagkuha ng epidemiological data tulad ng positivity rates, transmission rates, at iba pa.
Sana ay kumuha rin tayo ng mga eksperto o doktor sa epidemiology na magbibigay ng rekomendasyon sa DepEd para makita kung saan-saan ang mga ligtas na lugar. Mula rito ay mapaghahandaan natin ang pagkakaroon ng pilot testing.
Base sa batayan at rekomendasyon ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) sa pagpili ng mga pilot areas sa lebel ng lokal na pamahalaan, hindi dapat lalagpas sa 10 kada 100,000 katao sa isang lugar ang magpopositibo sa COVID-19 sa nakaraang pitong araw. Inirerekomenda rin ng UNICEF ang pilot tests sa mga lugar na wala pang limang porsiyento ang positivity rates. Meron ding dapat na aktibong sistema para sa contact tracing at surveillance system sa mga LGUs.
Napakaimportante rin na mayroong sapat na pasilidad ang mga paaralan para sa Water, Sanitation, and Hygiene (WASH). Maliban sa mga pasilidad para sa paglilinis at disinfection, ang kakayahan ng paaralan na magsagawa ng infection prevention and control ay dapat ding suriin.
Huwag sanang isipin ng mga superintendent ng mga paaralan na maaari na silang magsagawa ng pilot test basta nasa MGCQ area sila. Kapag sinuri natin ang MGCQ status, ang mga restrictions na narito ay masyadong pangkalahatan at hindi nito nasusuri ang aspeto ng epidemiology tulad ng transmission rate at ng positivity rate.
Bukod dito, may malalaki at masisikip na lugar na naka-MGCQ na may mahigit 100 aktibong kaso ng COVID-19. May posibilidad na dahil sa pangamba ng mga magulang kung hindi nasuri nang maigi ang mga aspetong tulad ng transmission at positivity rates, mas nanaisin pa nila na huwag nang payagan ang mga anak na makilahok sa pilot testing.
Tandaan, mahalaga ang mga ito sa pagsuri ng panganib ng pandemya at hindi dapat isawalambahala dahil ito dapat ang magiging batayan ng pagbubukas ng mga paaralan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentários