top of page

Dapat may disiplina ang kabataan sa paggamit ng gadget!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 27, 2021
  • 4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 27, 2021



Sa kasalukuyang panahon, bahagi na nga ng ating pamumuhay ang teknolohiya at parang hindi na natin kayang isipin kung paano pa mabubuhay kung wala ang modernong gamit at gadgets na sadyang nagpapadali ng pamumuhay. At napakabilis ng pag-unlad ng teknolohiya na tuluy-tuloy nagbabago para higit pang mapaunlad ang maraming bansa at nagmistulang napakaliit na ng mundo dahil dito.


Kabilang na ang mga advanced gadgets na malaking tulong para sa mga mag-aaral, lalo na ngayong panahon ng pandemya na wala tayong ibang maaasahan para maitawid ang kanilang pag-aaral kahit sisinghap-singap ang koneksiyon ng internet sa bansa.


Marami ang positibong bentahe para sa mag-aaral ng tamang paggamit ng gadgets at ilan dito ang matuto sa sarili sa maraming bagay, maraming oportunidad na makatuklas ng bagong kaalaman, komunikasyon at self-motivation.


Ngunit sa kabila ng mga bentahe ay hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang negatibong epekto nito sa mga bata dahil sa sobra at maling paggamit ng gadgets tulad ng tablets, laptops, computers, smartphones, video games at iba pang humahantong sa hindi maganda.


Lumalabas sa mga pag-aaral na ang paglampas sa tamang limitasyon o oras sa paggamit ng gadgets ng mga bata o estudyante ay nakababawas ng self-motivation, abilidad at kagustuhang matuto ng ibang kaalaman.


Maraming magulang ang sadyang binibigyan ng gadgets ang kani-kanilang anak upang manatili lamang sa lugar at hindi na magpagala-gala pa kasama ang ibang barkada na puwedeng mas humantong pa sa mas malaking problema.


Higit sa lahat ay hindi napapansing may ilang kabataan o mag-aaral ang hindi na basta nahihilig sa gadgets kung hindi dumaranas na ito ng addiction na labis nang nakaaapekto sa kalusugan tulad nang labis na pagtutok sa screen na humahantong sa pagkasira ng posture o pagiging overweight.


Ang mga batang adik na sa gadgets/video games ay madalas nakalilimutang uminom ng tubig, kumain sa tamang oras at hindi na nakararanas ng pisikal na aktibidad dahil sa maghapong nakatuon na lamang sa gadgets.


Tumaas din ang kaso ng kabataan sa buong mundo na dumaranas ng back pain, neck pain, headache, eye problem at mataas na banta ng macular degeneration na maaaring humantong sa pagkabulag at ang diabetes, obesity, gas trouble at iba pa ay puwede ring makuha sa pagiging adik sa gadgets.


Sinisira rin nito ang tamang oras na pagtulog ng bata dahil ang artificial blue lights na mula sa electronic gadgets ay nakababawas ng sleep-inducing hormone melatonin o nagdudulot ng kawalang gana na sa pagtulog o ayaw nang dalawin ng antok.


Hindi naman lahat ng mga bata ay malabo na ang mata, ngunit kapansin-pansin sa panahong ito na maraming bata ang nasa elementarya pa lamang ay nagsusuot na ng salamin dahil sa sobrang paggamit ng electronic gadgets na nagdudulot ng pagkalabo ng mga mata.


Labis din ang lumalabas na epekto nito, partikular sa mga nakababad sa video games hinggil sa pag-uugali ng bata na humahantong na sa pagiging bayolente, nawawalan na ng interes sa mga bagay na nakapaligid sa kanya, nagiging tamad at wala nang ganang mag-aral.


Bukod sa nag-iiba ang pag-uugali ng bata na lulong sa gadgets ay nababawasan na rin ang pagtuklas niya sa mga bagay na nasa labas ng tahanan at hirap na silang tapusin ang gawain na kanilang nasimulan dahil inaagaw ang kanilang atensiyon ng paggamit ng gadgets.


Dahil din sa labis na paggamit ng gadgets ay maraming kabataan ang hindi na nakisasalamuha sa kapwa o wala nang social relationship dahil sa mas marami na ang kanilang kaibigan online kumpara sa nakahahalubilo nila ng personal.


Ang pinakagrabe pa ay maraming kabataan ang hirap na hirap makipag-face-to-face interaction sa ibang tao, lalo na kung kailangan na nilang magsalita sa harap ng publiko dahil mas kampante na silang nag-iisa kapiling ang kanilang gadgets.


Maging ang pagsalubong ng mga batang gumon sa gadget sa kani-kanilang magulang ay hindi na nila nagagawa at madalas ay sila pa ang pinupuntahan sa kanilang silid para kumustahin at malaking epekto rin ito sa paghaharap-harap ng pamilya dahil madalas ay wala ang isa o dalawa sa kanilang mga anak.


Kaya kung benepisyo at bentahe ang pag-uusapan hinggil sa lalo pang umuunlad na teknolohiya ay masasabi nating malaki pa rin ang tulong ng modernong pamumuhay gamit ang teknolohiya dahil malaki ang ibinilis nang pag-unlad ng mga bansa sa buong mundo dahil dito.


Hindi rin solusyon na tahasan nang ipatigil ang paggamit ng gadgets sa mga bata at sa halip ay turuan silang maging responsable upang hindi humantong sa pagiging adik sa gadgets ang kanilang pagkahilig dito.


Dagdagan natin ang personal na paghipo sa ating mga anak, madalas na pagyakap, kasabay na kumakain habang nag-uusap at pilitin nating maisama sa iba pang aktibidades sa loob ng tahanan at huwag nating hayaang mas naaagaw ng gadgets ang kanilang atensiyon.


Kung may kapasidad ay ilapit sa musika at himuking mag-aral ng piano, gitara o kahit anong musical instruments, puwede ring hikayating mag-gym o maging aktibo sa sports para hindi na magkaroon ng maraming oras para sa gadgets.


May nakita tayong bata sa arcade noon na ipinagmamalaki niya sa kanyang tatay kung paano niya talunin sa basketball ang kaniyang kalaban sa computer at tuwang-tuwa naman ang tatay dahil kitang-kita niya kung gaano kahusay sa computer game ang kanyang anak.


Nalungkot tayo dahil noong kabataan namin ay personal naming hawak ang bola, tumatakbo at nakikipagbanggaan kami sa kapwa namin bata para lamang mai-shoot ang bola, na kahit masaktan ay naranasan namin ang tunay na kahulugan ng salitang laro!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page