ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | October 1, 2022
“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” 'Yan ang pamosong pahayag ng ating pambansang bayani na si Gat Jose Rizal.
Pag-asa ng bayan.
Pero paano kung hindi naman pala sila nabibigyan ng tamang oportunidad at hindi sila nabibigyan ng pagkakataon upang mapaunlad ang kanilang sarili? Kung hindi napapansin ng mga kinauukulan ang kakulangang dinaranas nila ngayon sa iba’t ibang aspeto?
Lumutang ang mga ulat na marami sa kabataan ngayon ang walang anumang physical activity at walang nabubuong ambisyon sa buhay para maiangat ang kanyang pagkatao at ang kalidad ng pamumuhay.
Nakalulungkot marinig ang ganitong kinasapitan ng ilan nating kabataan. Naniniwala tayo na kung mabibigyan lamang sila ng tamang oportunidad ay mababago pa ang kanilang pananaw.
Nitong nakaraang linggo, isang resolusyon ang isinulong natin sa Senado, ang Senate Resolution 226. Layunin natin dito na magkaroon ng whole-of-government study para maresolba natin ang problemang ito. Habang maaga, dapat nating tulungan ang mga kabataang ito at ipamulat sa kanila ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos na pamumuhay.
Talagang hindi natin inakala ang ulat ng World Health Organization mula sa isinagawa nilang pag-aaral noong 2019. Lumalabas kasi na apat sa bawa’t limang Pilipino na may edad 11 hanggang 17 ang walang sapat na physical activity.
Sabihin nating sa buong mundo, halos lahat naman talaga ng kabataan, bigong magamit ang kahit 60 minuto ng isang araw para makagawa ng anumang physical activity. Ang nakalulungkot lang sa pag-aaral ng WHO, tayong mga Pilipino – kabataang Pinoy ang nangunguna sa listahang ito ng mga batang walang sapat na physical activity. At kung hahayaan natin at wala tayong gagawing aksyon, malaking problema ‘yan para sa mga susunod na henerasyon.
Dapat maipalaganap natin sa kabataan ang importansya ng sapat na physical activity sa araw-araw. Malaking tulong ito sa kanilang kalusugan, lalo na sa ating cardiorespiratory at muscular fitness, cardiometabolic health, sa pagpapalakas ng ating mga buto at sa ating timbang. Kung tayo ay malusog, tayo ay masigla. Kung tayo ay masigla, tayo ay may malakas na pangangatawan. At kung tayo ay may malakas na pangangatawan, tayo ay may kakayahang gumalaw, gumawa ng anumang bagay na naaayon sa ating kakayanan at may matalas na pag-iisip.
At dahil dito, napagpasiyahan nating bumuo ng resolusyon na hihimok sa kabataan na magkaroon ng mas aktibong pamumuhay. Kasama sa nilalaman ng ating resolusyon ang urban planning para magkaroon tayo ng mas maraming open spaces na pagdarausan ng mga palakasan o sports at iba pang physical activities na magpapalakas sa ating katawan at magpapatalas sa ating talino.
Mas mabuti rin para sa kabataan na matutong magbisikleta. Sa totoo lang, ito ang ipinayo natin sa ating mga kababayan noong kasagsagan ng pandemya — gumamit ng bisikleta dahil nakatutulong din ito sa ating physical exercise dahil medyo napatagal ang lockdowns kaya’t nasa bahay lamang tayo at limitado ang paggalaw.
Isa pang nakababahala ay itong pag-aaral na ginawa ng The Dream Project PH. Sabi rito, walo sa kabuuang 10 batang Pinoy ang walang ambisyon sa buhay — walang pangarap. Ibig sabihin, wala sa pananaw niya ang umunlad.
Nakaaalarma na may ganito palang sitwasyon ang “pag-asa ng bayan”. Huwag natin pabayaan na “sakupin” ng ganitong kostumbre ang kabataan dahil kung hindi natin pauunlarin ang mga batang ito, panigurado, wala ring pag-unlad ang ating bansa sa mga darating na panahon.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments