ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | April 16, 2021
Tulad ng adbokasiya ng ating Pangulo, kapag magbibigay ng tulong sa ating kapwa Pilipino, hindi na dapat patumpik-tumpik at marami pang rekisitos lalo na kapag kagyat ang pangangailangan ng tulong.
Pero dahil may tradisyunal na sistema para makakuha ng ayuda, kailangan muna nilang maghintay ng deklarasyon ng state of calamity bago mailabas ang pondo at matulungan sila, kaya naman nganga pa rin ang lagay ng ating mga lokal na magbababoy o hog raisers na piniperwisyo ng African Swine Fever.
Ang problema natin ngayon, patuloy ang pagkalat ng ng nakahahawang ASF sa mga baboy sa 12 rehiyon, 40 probinsiya, 466 na mga lungsod at munisipalidad gayundin ang 2,425 na mga komunidad na ayon rin ‘yan sa April 1 report ng Food and Agriculture Organization ng United Nations.
Need na nating i-rescue ang paunti-unting bumabagsak na local hog industry, kaya IMEEsolusyon natin, gawing awtomatik ang Agri Insurance Pay-out sa magsasaka at magbababoy na nakapaloob sa inihain nating Senate Bill 883 o ang “index-based insurance system”.
Nangangahulugan itong hindi na kailangan pa ng anumang disaster declaration o assessment ng insurance company para mailabas ang tulong-pinansiyal sa mga magsasaka at magbababoy.
Nakapaloob din dito ‘yung panawagan natin sa Philippine Crop Insurance Corporation o (PCIC) na paglikha ng “index-based insurance products” para mapalawak ang proteksiyon sa mga hindi inaasahang pangyayari.
Kabilang ang “acts of God” o mga gawa ng Diyos, natural na pangyayari, pati na rin ang mga kagagawan ng mga tao, tulad ng pagnanakaw, riot o gulo, welga o giyera at pagbabawal ng gobyerno na maaaring mauwi sa mga kakapusan ng pagkain.
Kapag bumagsak ang lokal na hog industry, tiyak na food security din natin ang mawawasak, kaya bago pa mahuli ang lahat, gawa na tayo ng paraan. Agree?
Comments